EDITORYAL - Maawa sa mga magsasaka
MAGANDA at makabuluhan ang sinabi ni Customs commissioner John Sevilla sa harap ng mga magsasaka noong Huwebes. May kinalaman ito sa talamak na rice smuggling sa bansa. Ani Sevilla: “Malaking leksiyon ang aking natututuhan sa tuwing makakahuli kami ng mga container na may smuggled na bigas. Sa bawat container na ito, 10 magsasaka ang nawawalan ng hanapbuhay.â€
Mabuti at may leksiyon na nakuha si Sevilla sa nangyayaring smuggling ng bigas. Ngayon lang may Customs chief na nagsalita ng ganito. Hindi ito narinig kay dating Customs chief Ruffy Biazon na namutiktik ang rice smuggling. Kahit na harapang pinagsalitaan ni President Aquino si Biazon, wala siyang sinabing paraan kung paano wawakasan ang rice smuggling na matagal nang nagpapahirap sa mga magsasaka. Ni minsan, hindi nagkaroon ng malasakit si Biazon sa mga magsasaka. Kung may malasakit, sana’y nagkaroon siya ng plano para masugpo ang smuggling.
Sabi ni Sevilla, sa bawat container ng bigas, maraming magsasaka ang naghihirap sapagkat inagawan sila ng smugglers. Kaya ang pangako ng Customs chief, paiigtingin niya ang kampanya laban sa mga smugglers. Nagsalita si Sevilla sa grupo ng mga magsasaka na kinabibilangan ng Alyansa Agrikultura at Rice Watch and Action Networks.
Isa sa pinakamagandang pinangako ni Sevilla ay sisibakin niya ang mga empleyado ng Customs na nakikipagkutsaba sa rice smugglers. Ayon pa sa Customs chief sinampahan na niya ng reklamo ang 18 Customs appraisers at examiners na hinihinalang nagpalusot ng smuggled shipment ng bigas noong nakaraang taon. Sisikapin daw niya na sa susunod na makaharap ang mga magsasaka, may iuulat siyang limang problema (out of 100) na nalutas na may kaugnayan sa rice smuggling.
Sana nga ay seryoso si Sevilla sa pangako. Sana ay hindi siya matulad sa ibang Customs chief na nilamon ng sistema. Sana tuparin niya ang pangako sa mga magsasaka. Kawawa naman sila na inaagawan ng kabuhayan ng mga hayok na rice smugglers.
- Latest