SA mga mahilig mag-text tulad ko, ang ibig sabihin ng K ay OK. Para sa akin, K si P-Noy. Marami ang bumabatikos na siya ay hindi in command o hindi alam ang mga nangyayari sa kanyang paligid o napapaikutan siya ng kanyang mga tauhan. Hindi ako naniniwala. Maliwanag na tunay na in command bilang Presidente at commander-in-chief ng AFP si P-Noy.
Nakinig ako kay P-Noy nang siya ay humarap sa press sa Cebu noong Martes (Pebrero 25). May nagtanong na bakit daw nagkaroon ng revision ng history hinggil sa EDSA people power dahil sa halip na idinaos sa EDSA ang paggunita ay sa Cebu ito ginanap. Very sharp ang sagot ni P-Noy at tama siya: Ang people power of 1986 ay inilunsad hindi lamang sa EDSA kundi sa buong bansa. Tameme ang nagtanong.
May nagtanong din tungkol sa appointment ni Hen. Lina Sarmiento bilang Chairman ng Human Rights Compensation Commission. Again napaka-straight forward ang sagot ni P-Noy. Dalawang taon lamang daw tatagal ang HRCC at dahil si Sarmiento ay 57 years old lamang at malakas pa, kayang-kaya niya ang trabaho at wala naman daw record si Sarmiento ng paglabag sa human rights sa buong panunungkulan niya sa PNP.
Ang kagandahan sa style ni P-Noy ay ang kanyang obvious honesty. Walang pambobola. Galing sa puso ang mga sagot tulad noong siya ay kinapanayam ng NY Times kung saan tinawag niyang Hitlerian ang mga lider ng China.
May naalala tuloy akong dating Presidente na kapag nagsalita ay halatang hindi galing sa puso kundi sa lalamunan. Ang lalamunan ay may 10 inches ang layo sa puso. Kaya si P-Noy ay talagang K as in OK.