‘Bayong na walang laman’

ANG huling matinis na sigaw, huling higpit ng hawak at kalas ng maliliit na daliri ng musmos na anak ang habambuhay na nakabaon sa isip ng isang ina.

“Akala ko tumawid siya… pero paglingon ko nakita ko na lang nagulungan na ang ulo niya ng sasakyan,” kwento ng inang si ‘Emiliana’.

Sa pagsasalarawan ng pangyayari ng asawang si Emiliana “Emi” Tejereso inalala ni Glicerio “Cerio”, ang bunso nilang si ‘Gerald’--apat na taong gulang.

Parehong guwardiya noon ang mag-asawang Tejereso sa Orchard Golf & Country Club, Dasmarinas, Cavite. Dito sila nagkakilala taong 1996.

May dalawang anak sa pagkadalaga si Emi. Binata naman si Cerio.

Taong 1998 kinasal sila at nagkaroon ng apat na anak. Mula nung magdalawa anak ni Emi tumigil siya sa trabaho habang nagpatuloy sa pagiging sekyu si Cerio. Nadestino siya sa Rizal kaya’t nanuluyan sila sa Taytay, sa Riverside.  Kinalaunan nauwi sa pagkokonstraksyon si Cerio.

Ika-7 ng Okturbre 2013, habang nasa ‘site’ tumawag ang anak ni Emi na si Glen. Pinauuwi niya si Cerio sa bahay. Pagdating kina Glen nagulat siya ng sabihin nitong, “Tito, wala na si Gerald… Patay na si Gerald!”

Nanakbo palabas ng  bahay ang ama at dumiretso sa Manila East Hospital.

Naabutan niya sa labas ng pintuan si Emi. “Nasa morgue na ang anak natin!” humahagulgol na salubong ng misis.

Paulit-ulit ang naging tanong ni Cerio, “Anong nangyari!? Bakit?!”

Kwento ng ina, bandang 12:30 ng tanghali nasabing petsa, habang naglalakad si Emi sa East Bank Rd. Exodus, Brgy. Sta. Ana, Taytay Rizal kasama ang kanyang dalawang apong babae na 9years old at 8 taong gulang (lalake) karay-karay niya itong si Gerald. Tumawid sa kabilang kalye ang apo niyang lalake… sa highway papuntan Binangonan, Rizal.

Sumigaw bigla ng malakas si Gerald at tinawag ito. Dahil mahina daw ang tenga ng misis hindi niya ito masyadong narinig. Naramdaman na lang niyang bumitiw ito sa pagkakahawak sa kanyang kamay ang anak.

Inakala niyang sumunod ito sa kanyang apo subalit paglingon niya nakita na lang niya si Gerald sa ilalim ng isang multicab, Suzuki, may plakang SKF 259-- mobile ng isang barangay.

“Pinahinto na ng tao ang drayber ng mabundol ang anak ko pero nagpatuloy daw ito ng takbo at nagulungan si Gerald,” ayon kay Cerio.

Biyak ang ulo ni Gerald. Agad siyang sinugod ang bata sa ospital subalit dahil sa tindi ng pinsala sa ulo, patay siya agad.

Sa pag-iimbestiga ng mga pulis, nalamang ang multicab ay pagmamay-ari ng Brgy. Lumot, Cavinti, Laguna na noo’y minamaneho ni Juvito Oliveros Castillo, 48 anyos--kagawad ng nasabing barangay.

Kwento ni Cerio, pabalik na ng Laguna ang multicab ng mapadaan sa East Bank Rd. Exodus at masagasaan ang kanyang anak. Nagsampa ng kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide si Cerio laban sa kagawad.

Nakulong si Juvito at na-ininquest subalit nakapagpiyansa umano sa halagang Php14,000 mula Php30,000 na ‘bail’ matapos magsumite ng Motion to Reduce Bail.    Kasalukuyan pa ring nagkakaroon ng pagdinig ng kaso subalit ayon kay Cerio hindi sumusipot sa pagdinig itong akusado.

Naging mailap kina Cerio ang hustisya. Problema rin nila ang mga pinagkakautangang sinisingil na sa kanila. Katanungan nila kung maari ba nilang habulin ang kagawad sa mga nagastos nila sa insidenteng ito?         

“Sa totoo lang hindi ko alam kung saan magsisimula. Parang wala kasi nangyayari sa kaso. ‘Di siya sumisipot sa hearing. Nung huli namin siya nakausap sabi niya iatras ko ang demanda, ibibigay niya sa’kin ang pinangpiyansa niya… di ako pumayag,” sabi ng ama.

Itinampok namin siya sa CALVENTO FILES sa radyo. “Hustisya Para Sa Lahat” DWIZ882 KHZ(Lunes-Biyernes 3:00-4:00PM/Sabado 11:00-12:00NN)

Ika-17 ng Enero 2014, nagbalik muli sa amin si Cerio at pinakita ang palitan ng text ng kanyang misis at ng kagawad. Kung saan inaalok daw sila ni Juvito ng halagang Php17,000 para sa areglo. Sa mga text niya nababanggit niya din ang kanilang Mayor na si Mayor Melbert De Leon na tutulong daw sa kaso.

Para linawin ang lahat ng ito at para na rin kunin ang kanyang panig.

PARA SA BALANSENG pamamahayag, kinapanayam namin sa radyo si Juvito Castillo, ayon sa kanya sila Cerio daw ang nagpresyo. Tinanong namin ang kagawad tungkol sa ‘insurance’ ng sasakyan at sinabi niyang hindi rehistrado ang mobile, ‘expired’ na. Kaya’t walang Third-Party Liability (TPL). Sinabi naming wala siyang karapatang imaneho ang ‘di rehistradong sasakayan. Sagot naman niya pinagagamit naman daw iyon ng kanilang Kapitan na si Floro Jay Esguerra.

Dalawampung taon na daw siyang drayber. Bigla na lang daw kasing tumakbo ang bata. Pumreno naman daw siya pero ‘di agad huminto ang sasakyan at kumaskas pa rin kaya daw ito nagulungan.

Hindi rin daw siya nakakasipot sa mga pagdinig dahil ‘late’ daw kung dumating ang subpoena. Pinalinawagan namin siya na sa ginagawa niyang ‘di pagharap korte at sa mababaw niyang dahilan, maari makansela ang una niyang ‘bail’ at malabasan siya ng ‘bench warrant’.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, kapag ika’y walang makain, hinahabol ka ng iyong pinagkakautangan… masakit na madinig na pati buhay ng iyong anak ay pinipresyuhan. Diniresto naming tinanong si Cerio kung ano ba ang halaga ng buhay ng kanyang anak dahil para sa amin walang kapantay ang pagkuha ng hustisya ng pagkamatay ni Gerald kundi ang pagbayarin sa batas itong kagawad. Pinaalala namin kay Cerio na ang pagpa-‘file’ ng kasong kriminal ay may danos na kalakip, may sibil na papanagutan rin ang akusado  subalit paano naman namin siya mapapaniwala? Gayung ang pinag-uusapan ay ngayon at hindi ang halaga na maari nilang makuha matapos ang isang mahabaang paglilitis.

Sayo naman Kagawad Juvito pati na rin sa inyong Kapitan, ang hindi niyo pagrehistro ng kahit ano mang sasakyan ng barangay ay isang paglabag sa batas at tungkulin. Maaring maharap kayo sa kasong administratibo at kriminal. Malinaw na may ‘liability’ ang inyong kapitan dito.

Para kay Cerio, maging matalino ka sana dahil baka pinaiikot ka lamang nitong akusado. Paano kung ikaw ay makipag-ayos at iatras ang kaso, tapos ‘di sila tumupad sa pinag-usapan ano ang hawak-hawak mo ngayon, bayong na walang laman? Hindi kami para humusga dahil sila ang nagdadala ng dalumhati sa dibdib… kami ay nandito lamang para sila’y gabayan. Ngayon kung magpupumilit kayo na kayo’y makipag-ayos (out of court settlement) wala kaming karapatan na maghusga dahil sa bandang huli kayo ang namatayan ng anak at dadalhin niyo ang inyong desisyon habang kayo’y nabubuhay. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig. O magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854.  O tumawag sa 6387285 / 7104038.

 

 

 

 

Hotlines: 09213263166, 09198972854

Tel. Nos.: 6387285, 7104038

Show comments