MASAYA ang lahat nang magkalagdaan na ang panig ng gobyerno at ang MILF sa huling bahagi ng kasunduan para sa pangmatagalang kapayapaan sa rehiyon ng Mindanao. Kasama sa bahaging ito ay ang paglapag ng armas ng MILF na sa una ay naging masalimuot na isyu para sa kanila. Alam natin na ilang dekada na silang nakikipagpaban sa gobyerno para sa sarili nilang lupain o teritoryo. Ilang libo na ang namamatay sa labanang ito. Kaya naman noong nagkaroon na ng pirmahan sa Kuala Lumpur, hindi mapigilan ang kuha ng iba dahil sa hirap din ng pinagdaanan ng bawat panig. Sa wakas, may tunay na pag-asa para sa kapayapaan. Sino ang hindi matutuwa niyan?
Pero hindi pa nga tapos ang pagsasaya, may nanggugulo na sa party, ika nga. Noong unang nagkalagdaan ang MILF at ang gobyerno para sa kapayapaan, may tumiwalag nang grupo sa MILF, ang BIFF na pinamumunuan ni Umbra Kato. Hindi raw sila sang-ayon sa naganap na kasunduan, kaya ipagpapatuloy nila ang laban. Laban na gumagamit pa rin ng armas. At ilang linggo pa nga lang noon ay naghasik na sila ng lagim sa rehiyon. Ipinakita na talagang seryoso sila sa kanilang banta.
Ngayon, ilang araw pa lang matapos ang makasaysayang pirmahan, digmaan muli ang sumiklab sa Maguindanao. Inasahan na manggugulo a ng BIFF. Dahil sa inggit? Dahil wala na silang alam kundi karahasan? Dahil hindi na sila mapapansin? Lahat siguro. Malamang ay mawala na nga ang suporta sa kanila dahil ang gusto nga ng mamamayan ay kapayapaan.
Nangako naman ang gobyerno na dudurugin na nila ang mga nanggugulo at hadlang sa kapayapaan. Sa totoo lang, matagal ko na rin naririnig iyan. Pero iba na sana ngayon. May pagkakataon na para sa kapayapaan, kaya dapat lang mawala na ang mga nanggugulo. Babala naman ng iba ay kung mawala naman ang BIFF, may bagong grupo na naman ang papalit, dahil may kasabihan nga na hindi mo naman mapapasaya ang lahat. Kung ganun, lalong mahalaga na masugpo kaagad ang mga grupong iyan. Unahin na ang BIFF. At huwag ding kalimutan ang MNLF-Misuari, na unang nanggulo sa Zamboanga noong isang taon. Hindi pa nga nahuhuli si Misuari para sa kanyang ginawa sa Zamboanga. Dapat masugpo na rin ang grupong ito kung hindi sila sasang-ayon sa kapayapaan.