Impartial commission

UNANG lumutang ang isyu ng propriyedad ng hakbang  ng Presidente na impluwensyahan ang impeachment sa privilege speech ni Sen. Jinggoy Estrada tungkol sa karagdagang Disbursement Acceleration Program (DAP) para sa senator–judges na bumoto ng conviction kay da-ting Chief Justice Renato Corona. Pinasabog ng senador ang paratang, na napatunayang totoo, bilang sagot sa mga akusasyon ng iregularidad sa paggamit ng kanyang PDAF. Sabi ng iba, paglihis daw ito sa atensyon sa tunay na isyu ng korapsyon sa PDAF. Si Sen. Miriam Defensor Santiago, kilala at respetadong eksperto sa batas, ay nagbabala na kung totoo ngang ginamit ang DAP para pabuya sa mga senador, maituturing itong panunuhol na maaring batayan ng impeachment laban sa Presidente. At para kay Sen. Miriam, may “laman” ang pinukol ni Sen. Estrada dahil tingnan nga naman: Ang tatlong hindi bumoto para ma-convict si Chief Justice Corona – sina Senators Arroyo, Marcos at Santiago ay hindi nabigyan ng additional na pondo ng DAP. Pero ang isyu ng propriyedad na pangunahan ni P-Noy ang senator-judges at impluwensyahan ang kanilang desisyon ay hindi na gaanong natalakay.

Muling naaninag ang isyu sa privilege speech ni Sen. Bong Revilla. Balato na lang daw niya ang boto bilang huwes sa impeachment trial ni Corona. Ani Sen. Miriam, hindi masama ang kausapin o pakiusapan ng Presidente ang mga ito – kahit pa anong pasikut-sikot at pagtatago ang gawin – basta lang huwag suhulan tulad ng hinihinala niyang nangyari sa pagbigay ng DAP.

Sa dami nang lumabas na kuwento na hindi naman ikinakaila, at sa namumuo at lumalaking agwat sa opinyon ng taumbayan, lalo na ng mga kabataan, sa kung may mali ba sa inasal ng mga nasasangkot, at dahil parehong nationally elected officials ang namamaratang, napapanahon na sigurong magtalaga ng isang impartial, multi-sectoral commission upang imbestigahan ang “Boy Pickup Scandal”. Malaki ang maitutulong ng isang neutral na lupon tungo sa mas magandang pag-unawa ng papel na dapat gampanan at pangatawanan ng ating mga opisyal sa ganitong mga delikadong sitwasyon.

Show comments