RICE smuggler si Davidson T. Bangayan, alyas David B. Tan. Ito ang giit ni Agriculture Sec. Proceso Alcala tungkol sa umano’y nanuhol nang P6 bilyon sa mga taga-Customs.
Kaduda-duda nga si Bangayan. Sa TV interviews itinatwa niya ang pag-aangkat ng bigas. Pero pilit ng abogado ipawalan-sala si Bangayan sa kinumpiska kamakailan na shipment ng bigas, ng isang kumpanya na wala naman ang pangalan niya sa official records.
Giit naman ng rice traders, walang smuggler ng bigas. Para-paratang lang daw ‘yon ng National Food Authority (NFA), kung saan chairman si Alcala, para masolo ang pag-angkat ng bigas. Ito’y bagamat labag sa patakaran ng World Trade Organization, mula nu’ng Hunyo 2012, ang pakikialam ng anomang gobyerno sa grains trading.
Sa pagsosolo umanong ito rumaraket ang NFA. Sa habla ni Atty. Argee Guevara sa Ombudsman, in-overprice ng NFA ang palihim na pagbili ng kabuoang 205,700 tonelada ng bigas mula Vietnam nu’ng 2013. Ang kontrata ay $459.75 kada tonelada, bagamat ang presyuhan noon ay $360-$365 lang kada tonelada. Kabuoang $10.5 milyon, o P457 milyon umano ang overprice.
Depensa ni NFA administrator Orlan Calayan, na bata-bata ni Alcala noon sa Kongreso, na pinataas ng handling at freight costs ang presyuhan. Pero kung awasin ang umano’y gastos sa pagta-truck at pagba-barko, sagot ni Guevara, meron pa ring overprice na di-bababa sa $7.5 milyon, o P300 milyon.
Sa batas, pinapatawan ng 50% import duty ang pag-aangkat ng bigas. Kaya kung hinayaan ang pribadong sektor mag-angkat nu’ng 2013, kumita sana ang gobyerno ng P2 bilyon -- pantulong sa magsasaka.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com