EDITORYAL - Parusang kamatayan
SUNUD-SUNOD ang mga pagpatay na ginagawa ng riding-in-tandem, panggagahasa sa mga batas at ang paggawa at pagbebenta ng illegal na droga. Lantaran nang ginagawa ang mga ito na palatandaang wala nang kinatatakutan ang mga criminal. Hindi na nila kinatatakutan ang mga alagad ng batas. At kung wala nang kinatatakutan ang mga criminal, wala nang ibang solusyon kundi ang pagpapataw ng mabigat na parusa sa mga mapapatunayan --- ang parusang kamatayan.
Noong Linggo ng madaling araw, ginahasa at pinatay ng isang drug addict ang 6-anyos na batang babae sa Plaza Dilao, Paco, Manila. Natagpuan ang bangkay ng bata kinabukasan. Naaresto ang suspect na si Mark Avila, 34, pedicab driver. Umamin si Avila sa krimen. Nagawa raw niya iyon dahil lasing siya sa alak at droga. Hindi ito ang unang panggagahasa at pagpatay sa isang bata. Marami pa. Noong 2010, isang 7-anyos na batang babae ang ginahasa at pinatay ng dalawang lalaking addict sa Sta. Mesa, Manila.
Noong nakaraang linggo, isang turistang Ame-rikano ang hinoldap at pinatay ng apat na lalaki. Naaresto na ang apat kamakalawa.
Noong Martes isang barangay kagawad sa Pasay City ang binaril at napatay ng riding-in-tandem. Nang araw ding iyon, isang bus sa EDSA ang hinoldap ng tatlong armado ng baril at patalim.
Noong nakaraang linggo, sinalakay ng PDEA ang isang shabu lab sa isang condo unit sa Global City Taguig. Nakakumpiska nang maraming shabu na nagkakahalaga ng bilyong piso. Sinalakay din ang isang condo unit sa Makati na gawaan ng shabu. Maramimng shabu ang nakumpiska.
Parusang kamatayan ang nararapat sa mga gumagawa ng karumal-dumal na krimen. Ang kawalan ng mabigat na parusa ang dahilan kaya wala nang takot ang mga kriminal. Nilalaro-laro na lamang nila ang pagpatay, pagnanakaw at pagpapakalat ng droga. Nakakabahala na ang ginagawa ng mga kriminal. Maski si dating President at Manila mayor Erap Estrada ay pabor sa pagbabalik ng parusang kamatayan.
Panahon na para pag-aralan ang pagbabalik ng parusang kamatayan. Walang makitang paraan para mapigilan ang lumalalang krimen kundi ang pagbabalik ng death penalty.
- Latest