Nung LUNES itinampok namin sa aming pitak ang pagpapang-aabot at suntukan nina Rosendo “Oseng†Zuñiga at ng kanyang kapitbahay na si Enrique “Ricky†Chiombon. Ang dahilan, ang pagkakalat nito ng tsismis tungkol sa asawa ni Oseng.
Nang malaman niya ang umano’y pambabastos nitong si Ricky naisipan niyang kausapin ito para matigil na ang lahat.
“Bakit naman ganun binabastos mo ang asawa ko. May asawa ka naman. Maaari ba tigilan mo na siya?†wika ni Oseng.
Biglang daw tumayo si Ricky na noo’y lasing at tinulak siya ng malakas ng dalawang kamay sa dibdib sabay suntok. Nasalag ito ni Oseng at gumanti siya ng suntok. Sumuntok uli si Ricky, tinamaan siya sa balikat. Nagpakawala ng suntok si Oseng at sumapul sa mukha ni Ricky. Tumiklop ang tuhod nito at bumagsak sa kalsada una ang mukha.
Lumapit si Bojeck at Rochel upang awatin at ilayo si Oseng.
Dagdag pa ni Bojeck kung napansin niyang mainit itong si Oseng di sana ay sinundan niya ito para maiwasan at umawat sa anumang gulo. Wala raw hawak na bakal o anumang pamalo si Oseng dahil makikipag-usap lamang siya.
“Dumating ang pamangkin ni Ricky na pulis si PO1 John Albert Cruz at pinipilit niya akong sumama sa kanya, hinila niya ako sa damit. Nagpumiglas ako at sinubukan kong pumasok sa bahay,†ayon kay Oseng.
Nakita umano ng kanilang anak na labingtatlong taong gulang na pilit isinasama ang kanyang tatay. “Tama na po! Tama na po!†sigaw ng bata sabay yapos dito.
Pagkalapit nito sinalya umano ni PO1 John Albert Cruz ang bata at tinutukan ng baril. Pinaghahatak na daw itong si Oseng hanggang sa magkapunit-punit ang damit. Narinig ng kapatid ni Oseng na si Aderlina ang ingay kaya napabangon sila ng kanyang ina. Nakita niyang papalabas na ng bahay ang pulis. Nandoon din umano ang isa pang pamangkin ni Ricky na si PO1 John Paul Cruz.
Ikinulong siya sa istasyon ng pulis na walang imbestigasyon at paliwanag kung bakit siya inaresto.
Ika-16 ng Disyembre 2013 iniharap umano sa Inquest Prosecutor si Oseng at sinampahan ng kasong ‘Attempted Murder’ kahit wala umano siyang abogado.
Amin ding nakapanayam si Rochel tungkol sa pambabastos sa kanya ni Ricky sa aming tanggapan at sa radyo. “Hanggang sa palengke ayaw niya akong tigilan. Kapag napapadaan ako sa tindahan nila sinasabi niyang mahal daw niya ako,†wika ni Rochel.
Kung sakaling hindi siya papayag sa kagustuhan nito ay gagawa ito ng kwento tungkol sa kanila ni Bojeck at ipagkakalat sa buong barangay.
May sinama silang mga testigo na nagtungo sa aming tanggapan. Pinabulaanan nila ang sinabi ni Ricky na may dalang matigas na bagay si Oseng nang mga panahong yun.
Sila ay sina ‘Cecilio’ labinlimang taong gulang at si Joel Cu na nandun sa lugar ng pinangyarihan at pareho ang kanilang mga pahayag.
“Wala kaming nakitang hawak na sandata si Oseng. Ang nangyari ay mano-manong suntukan lang.â€
Humarap din sa aming tanggapan si Bojeck upang tumestigo sa nangyaring suntukan at panghaharas nitong si Ricky.
Pinayuhan niya si Oseng na huwag nang pansinin si Ricky dahil wala namang patutunguhan ito.
“Kakausapin ko lang. Hindi naman para makipag-away ako. Para matigil na ang kanyang malisyosong kinukwento,†sagot ni Oseng.
Mula sa kinaroroonan ni Bojeck ay natanaw niyang nag-uusap lang ang dalawa nang biglang sinalya ng malakas sa kanang balikat itong si Oseng ni Ricky. “Hindi totoong may dalang patalim o matigas na bagay si Oseng nang mga sandaling yun. Ang totoo, nagkasuntukan lang sila at ang away ay nagmula kay Ricky,†salaysay ni Bojeck.
Matapos matumba nitong si Ricky ay lumapit sila para ilayo itong si Oseng nang hindi na lumala ang away.
Nais malaman ng kampo ni Oseng kung may basehan ba ang kasong isinampa sa kanya gayung suntukan lamang ang naganap. Ito ang dahilan ng paglapit niya sa aming tanggapan.
Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES†sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat†ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 3:00pm-4:00pm at Sabado 11:00am-12nn) ang kwentong ito ni Oseng.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, kung pagbabasehan ang mga sinabi ng mga testigo na nagbigay ng kanilang pahayag, walang kahit na anong matigas na bagay na dala nung mga panahong yun si Oseng.
Nabasa namin ang salaysay nitong si Ricky na may dalang bakal at pinaghahataw siya sa iba’t-ibang parte ng katawan kaya natamo niya ang kanyang sugat.
Nagpunta lamang si Oseng kay Ricky para kausapin ito at hindi para pagtangkaan ang buhay nito. Kung gagawin niya ito sa harap ng maraming tao, maraming testigo at siguradong kalaboso siya agad.
Ang pag-aresto ng dalawang pamangkin nitong si Ricky na mga pulis na hindi naman naka-uniporme at hindi nakaduty ay labag sa patakaran ng Philippine National Police (PNP).
Maari niyang balikan ang mga ito ng ‘Illegal Arrest’ at Tresspass to dwelling’. Bukod pa roon yung pagtutok ng baril sa kanila ay pwedeng kasuhan ng ‘Grave Threat’ at ang ginawa sa bata ay Child Abuse in relation to RA 7610.
Ang Medico-Legal-Officer na nag-eksamin sa kanya ang maaring magbigay linaw sa mga tama ni Ricky kung fatal nga ito.
Ang mga sugat na natamo at walang tangkang pagpatay sa simula pa lamang hindi ba dapat dito ay Physical Injuries ang kaso?
BILANG TULONG ini-refer namin sila sa Public Attorney’s Office (PAO) para gumawa ng mga ‘Omnibus Motion’ upang hindi muna siya mabasahan ng demanda sa korte matapos siyang magbigay ng ‘Cash Bond’ na 120,000php na piyansa.
Pinapunta rin namin siya kay Senior Inspector Delfin Giatao ng National Police Commission (NAPOLCOM) sa Inspection, Monitoring and Investigation Service (IMIS) kung saan nakapagbigay na sila ng sinumpaang salaysay. Pinapunta din namin sila sa PAO Region 4-A para sampahan ng criminal case itong magkapatid na pamangkin nitong si Ricky.
Para sa patas na pamamahayag, bukas ang aming tanggapan para sa panig ni Ricky at pati na rin ang kanyang mga pamangkin na pulis.
(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038.
Hotlines: 09213263166, 09198972854
Tel. Nos.: 6387285, 7104038