ANG Christmas ay tinatawag nating Pasko. Merry Christmas equals Maligayang Pasko. Subalit magkaiba ang literal na translation ng dalawang ito. Ang Christmas ay pinaikling bersyon ng Christ’s mass sa Ingles. Habang ang salitang Pasko naman ay hango sa Kastilang Pascual o Latin na Pascal na ang tinutukoy ay ang rebirth o muling pagkabuhay ng Panginoon.
Muling pagkabuhay. Ito ang pumangibabaw na tema ng nakalipas na 2013. Napakagandang tema dahil ang lahat nang maaring ikahulugan nito ay positibo. Lakas at tibay, hindi pagkatinag, pagligtas, pangalawang pagkakataon, bagong pag-asa.
Ang dinanas ng Pilipinas sa bagyong Yolanda ay kailanman hindi naranasan ng kahit anong komunidad sa kasaysayan ng mundo. Mahigit sa kaya nating tiisin ang sinapit ng mga kababayan natin sa Visayas. Subalit matapos makiramay at maiyak sa impiyernong kanilang dinaanan, nasaksihan din natin ang istorya ng kapwa Pinoy – nawalan na ng lahat subalit hindi pumayag magpatalo sa kapalaran at ginagawa ang lahat upang makaahon at muling magsimula. Maaring wala nang mas malas sa Pilipinas sa trahedya, pero ngayon ay batid ng mundo na wala nang mas matibay at matapang kaysa Pilipino.
Muling pagkabuhay din ang tema ng nangyari kay John Kenneth Denega, batang 12 taon gulang na namatay nang masabugan ng firecrackers. Sa pamamahay ng kanyang pamilya, mula taong ito ay aalalahanin ang Jan-uary 3 na anibersaryo ng kanyang pagkamatay. Subalit sa pamamahay naman ng isang 64 anyos na lalaki na nangailangan ng kidney transplant upang gumanda ang kalidad ng buhay, ang January 3 ay ituturing na Pasko dahil pumayag ang magulang ni John Kenneth na i-donate ang kidneys nito at siya ang nabiyayaan. Ngayon, patuloy na nabubuhay si John Kenneth sa pagkatao ng nakatanggap ng kanyang kidneys at sa kaisipan ng taumbayan.
Ang ganitong mga kuwento ang nagbibigay ng patuloy na inspirasyon sa atin na magpursigi bilang bansa at maging matapat na mamamayan. Sa gitna ng dagok ng kamalasan, hindi nawawala ang taal na tibay at kabutihan ng Pilipino. Kung kaya hindi kailanman mamamatay ang pangarap ng magandang kinabukasan para sa lahat. Isang palaisipan para sa 2014.