Dapat gastusan ang ballistic section ng NBI

DALAWANG araw pa bago mag-bagong taon pero siyam na tao na ang tinatamaan ng ligaw na bala. Siyempre, hindi matukoy kung sino ang mga nagpaputok, dahil hindi naman kumpleto at moderno ang ballistic records ng PNP. Kung sa ibang bansa, natukoy na kaagad kung anong baril ang pinanggalingan ng bala, dahil lahat ng baril ay sumasai-lalim sa ballistic testing bago malagay sa merkado. At dahil marami ring “loose firearms” sa bansa, hindi talaga matutukoy kung sino ang nagpaputok. Umaasa na lang palagi ang PNP sa mga testigong papayag magsalita. Sa Pilipinas, bihira iyon lalo na kung isang taong may otoridad pa, tulad ng pulis, sundalo o pulitiko, ang nagpaputok.

Walang pinipili ang ligaw na bala. Kung puwede lang sana ay sa kanilang mga ulo itutok ang baril bago kalabitin, wala na sanang inosente ang mabibiktima. Ilang biktima na ang namatay sa mga nakaraang bagong taon ang naghihintay ng hustisya hanggang ngayon. Kawawa naman. Mga tunay na inosente.

Ito ang kultura ng baril sa Pilipinas. Hindi ko nilalahat, pero marami talaga ang walang karapatang magmay-ari ng baril. Pero dahil madali naman makakuha ng lisensya, kahit sinasabi ng PNP na mas mahigpit na ngayon, umaabot pa rin sa mga iresponsableng kamay ang mga baril. Kapag nakainom na, ipagmamayabang na at magpapasikat. Kung tila walang magawa ang mga otoridad sa pagbenta ng mga bawal na paputok, wala rin silang magawa sa mga gustong magpaputok ng baril kahit kailan.

Kailan lamang, may nahuling tao sa Pasay na may dalang napakaraming baril. Mga hi-powered na mahahabang baril pa nga ang dala, bukod sa mga pistol at napakaraming bala. Kung may mga taong ganito, na nakakabili ng mga ganyang kalalakas na baril, paano pa kaya ang mga gustong bumili ng karaniwang baril? Kung may dapat gastusan ang NBI, ito ay ang ballistic section nito. Idaan sa ballistic testing ang lahat ng baril, walang exception, pati ang mga hindi pa nabebenta. Kung may mahuling loose firearm, idaan din para kung sakaling bumalik muli sa sirkulasyon, may rekord na. ito lang ang tanging paraan para magkaroon ng rekord ang PNP. Kung hindi magagawa ito, huwag na tayong umasa na mahuhuli ang mga basta-basta nagpapaputok ng baril. Magdasal na lang tayong lahat na hindi tayo ang sunod na biktima.

 

Show comments