Hindi sapat ang sipag at tiyaga ni Petilla
HINDI dapat maging kampante si Energy Secretary Jericho Petilla na mapanatili ang kanyang puwesto matapos na ibasura ni President Noynoy Aquino ang kanyang resignation, dahil sa totoo lang mga suki, marami ang naghahangad ng kanyang trono sa ngayon. Kasi nga sa loob lamang ng may 42 days naibangon at nabigyan ng liwanag ni Petilla ang Visayas Region na sinalanta ni Typhoon Yolanda.
Pambihira ang kakayahan at didikasyong ipinamalas ni Petilla sa mga kababayan nating dumilim ang kapaligiran matapos na magkalagot-lagot ang mga kawad at magkaputul-putol ang mga poste sa Kabisayaan dahil sa super lakas ni Yolanda. Sa ngayon nasa 99% na ang kuryenteng dumadaloy sa Kabisayaan na malaking tulong upang maibangon sa pagkalugmok ang ating mga kababayan.
Ngunit hindi sapat ang sipag at tiyaga ni Petilla sa pagbalik sa normal ng kuryente sa mga lalawigan na nilugmok ni Yolanda dahil malaking balakid sa kanyang lea-dership ang banta ng power plants companies na babawiin sa consumers ang damages katulad na lamang ng mga na-baling poste, nalagot na kawad at mga transformer na nasira. Idagdag pa ang suweldo ng mga karagdagang manpower sa pagkumpuni ng mga linya ng koryente. Iyan ang malaking pasanin ng mga consumers sa darating na billing ng power plants companies. Kung sabagay kung tinanggihan man ni P-Noy ang resignation ni Petilla bakit kaya hindi magawan ng kaparaanan na pasanin na lamang ng gobyerno ang ipinapataw ng mga power plants companies na systems loses dahil kalamidad naman ang sumira nito.
At ang pinaka sa pinaka na nakakainsulto sa liderato ni Petilla ay ang walang puknat na pamamayagpag ng mga lineman ng power plants companies na humaharibas ng paniningil mula sa P300 hanggang P500 sa pagkunekta ng mga linya ng consumers. At upang mapatunayan ni Petilla ang aking sinasabi mangyaring mag-imbestiga sa mga residente sa lalawigan ng Capiz, Iloilo, Aklan at Antique na kung saan talamak ang pambabraso ng mga lineman. Kaya ang mga kaawawa kung mga kababayan ay nagtitiyaga na lamang na magdildil ng asin upang makabayad sa mga gahamang lineman ng magkaroon ng ilaw ang kanilang kabahayan. Kasi nga kung walang silang ibabayad sa pagkabit ng linya ng kuryente tiyak na mangangapa sila sa dilim at aabutin ng ilang buwan bago sila mapukulan ng awa.
Ganyan din kasi ang nangyari nang mamahagi ng relief goods ang pamahalaan ni P-Noy, nahuli sa pansitan ang aking mga kababayan sa Panay Island. Mabuti na lamang at naisalba sila sa pagkagutom ng mga Canadian Government at mga Ilonggong taga Sultan Kudarat. Kayat Secretary Petilla kumilos ka ng singbilis ng kidlat sa pakikidigma sa mga gahamang power plants companies nang maipadama mo ang tulong sa lahat ng mga power consumers nang mapanatili ka sa iyong puwesto. Abangan!
- Latest