HINDI lang pala sa siyudad ni Mayor Tony Calixto namamayagpag ang pasugalan ng magkasosyong Ian Vendivel alyas Drago at alyas Moti kundi maging sa Parañaque City. Dahil tumiklop na rin ang Aguila brothers sa Parañaque, sina Ian at Moti naman ang pumalit kaya hindi nabawasan ang weekly take home pay ni SPD director Chief Supt. Jet Villacorte. Aabot pala sa P300,000 ang kubransa nina Ian at Moti sa lotteng, bookies ng karera, video karera, at iba pa. Sa Parañaque lang yan ha mga suki? At ang lahat ng mga kubrador nina Ian at Moti ay nagrereport sa main office nila sa Diamond building na nasa Libertad St., sa Pasay sa tapat mismo ng Funeraria Malaya.
Kung nais nina NCRPO chief Dir. Marcelo Valmoria at CIDG director Chief Supt. Benjie Magalong na tuldukan itong illegal gambling operations nina Ian at Moti, aba abangan lang nila ang mga kubrador nito sa naturang building at tiyak malalambat sila, di ba mga suki?
Naibida ko na sa nakaraang isyu ang mga kubrador at barangay chairmen na kumakalong sa pasugalan nina Ian at Moti sa Pasay. Ang sa Parañaque naman ay si alyas Ledon sa Sun Valley; si Joy sa Manggahan at si Edgar. Siyempre pa, tulad sa Pasay City, ang pulis na si Aguas ang nangongolekta para kay Villacorte kina Ian at Moti sa halagang P52,000 weekly din. Hehehe! Bundat na talaga si VIllacorte kung ang tong collection activities ni Aguas ang gagawing ebidensiya, di ba mga suki?
Tungkol naman sa NCRPO, hindi si Baby Marcelo ang nangongolekta para sa opisina ni Valmoria kundi si George Unghang, alyas Intsik, na taga-Binondo. Ayon sa kausap ko, P16,000 weekly ang binibigay ni Ian sa kolektor ni Intsik na si Insp. Arnold Sandoval. Hindi lang sa SPD kundi maging sa Manila, nangongolekta si Sandoval para kay Intsik.
Bagyo raw si Intsik kay dating NCRPO director Chief Supt. Marcelo Garbo na na-promote kamakailan bilang Chief of Directorial Staff (CDS) o No. 4 man ng Philippine National Police. Kung umasta si Intsik kay Garbo kapag dumadalaw sa NCRPO headquarters sa Camp Bagong Diwa, akala mo e sobrang close na sila. Malakas kasi ang boses ni Intsik kung kaharap si Garbo kaya ang buong akala ng kapulisan, bagyo siya talaga sa dating NCRPO chief. Sa pagpalit ni Valmoria, tuloy pa rin ang tong collection ng mag-among Intsik at Sandoval. Dapat latiguhin ni Valmoria si Sandoval para hindi na pamarisan pa.
Sa totoo lang, halos magdalawang linggo na si Valmoria sa puwesto subalit wala pang nangahas na umikot sa mga tabakuhan para ikolekta siya. At ang patuloy na pag-ikot ni Sandoval ay makakasira sa pangalan ni Valmoria na sinalubong ng katakut-takot na trabaho mula sa SM mall robbery hanggang sa ambush kay Zamboanga del Sur Mayor Ukol Talumpa sa NAIA terminal noong Biyernes. Abangan!