^

PSN Opinyon

Wanted: ‘Younghusband’

- Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

NATAGO ang kulubot na marka sa kanyang labi at nabatak kaka­ngiti…

“Parang unang beses lahat… hindi ko maisip na may edad na ako at bata ang kasiping ko. Nakisabay ako sa bawat kilos niya. Hindi ako nagpatalo dahil hindi pa ako laos. Inabot ko ang sukdulan na matagal ko ng di natitikmang muli. Sobrang sarap!” pagsasalarawan ni Cion.

Sa mga ganitong tagpo inakala ni Consolacion “Cion” Cabelin, 61 taong gulang na tuloy-tuloy na bubuhayin ang dugo niya ng lalakeng halos kalahati ng kanyang edad ang binata sa kanya. Si Michael VillaFlor, 36 anyos na ngayon.

Sa isang pagbabalik tanaw Hunyo 2012, nang unang magpunta sa aming tanggapan si Cion. Reklamo niya, matapos nilang magpakasal ni Michael sinimot nito ang kanyang tindahan, pinahatak lang ang pinag-ipunang pampasadang traysikel… iniwan siya ng lalaki ng walang-wala.

Itinampok namin sa aming programa ang istoryang ito ni Cion at isinulat sa kolum na may titulong, “Naglandi si lola(?)”—Part 1 & Part 2.

Nag-iba ang takbo ng buhay ni Cion mula ng magtayo siya ng sari-sari store sa Sta. Maria, Bulacan. Dito niya nakilala si Michael, anak ng kapitbahay na may maliit na tindahan rin.

Bata pa lang si Michael suki na siya ng tindahan ni Cion. Naging ‘construction worker’ na ito, kay Cion pa rin bumibili si Michael.

Isang araw nagulat na lang siya ng mag-text sa kanya si Michael. Naging mabilis ito at nanligaw sa kanyang sa text.  Sa tatlong buwan nilang pagte-text nahulog na ang loob niya kay Michael. Kaya’t nung minsang mag-text ito,

 â€œGusto kita… Gusto mo rin ba ako?”

“Oo gusto kita!” ang mabilis niyang sagot.

Agad siyang inaya ni Michael na magsama subalit umayaw si Cion. Diniretsa niya si Michael, “Ayoko para saan pa? Hindi na kita mabibigyan ng anak. Menopause na ako…”

“Di bale, may dalawa naman akong kapatid. Ako ang nagpapa­laki dun e di parang mga anak na natin yun!” pagpupumilit ni Michael.

Dalang-dala itong si Cion sa mga sinasabi ni Michael. Pakiramdam niya inlab ulit siya. “Sige sa birthday ko magsama na tayo!” sabi ni Cion.

Hindi nagtagal umugong  ang kanilang relasyon, nakarating ito sa mga anak ni Cion. Tumutol ang mga ito dahil si Michael ay kaedad lang ng kanyang bunso.

Ayaw naman paawat ni Cion. Ika-7 ng Setyember 2006, ika-54 na kaarawan niya, dala ni Michael ang sarili bilang regalo… hindi na siya umuwi at nagsama na sila.

Mainit ang kanilang naging unang gabi…kwento ni Cion makalipas ang napakahabang taon nun na lang siya ulit naranasang makipagtalik.

Binilhan niya ang binata ng magagarang damit. Kada mamalengke siya bitbit niya ang isang t-shirt pamporma ni Michael.

Kumuha rin siya ng dalawang hulugang traysikel para ipampasada ni Michael at kanyang pamangkin para ‘wag na siyang magtrabaho sa konstraksyon.

Mayo 2009, inaya ni Michael si Cion na magpakasal sa gaganaping ‘Kasalang Bayan’ sa Immaculate Concepcion, Sta. Maria Bulacan.

Kontra lahat sa planong nila subalit walang nakapigil sa kasalanan ika-29 ng Mayo 2009. Taas noon pang pinakita ni Cion sa amin ang ‘wedding pictures’ nila na parang ‘graduation photo’ ni Michael ---naka-pose na parang kasama ang ina.

Pakiramdam ni Cion nun, masaya na silang magsasama ng bagong asawa subalit ng dumating ang bagyong Ondoy. Isa sa naapektuhan na lugar ang Sta. Maria kaya’t inilipat sila sa relocation area sa Brgy. Cayso. Northville Blk. 78.

Dito na nakarating kay Cion  ang iba’t ibang tsismis.

“May babaeng angkas daw siya. Nakayakap pa sa likod,” ani Cion.

Iba’t ibang pangalan ang naugnay kay Michael, may kapitbahay din. Iisa ang pagkakapareho ng hilig niya, lahat sila bata.

Kasabay ng mga balitang pambabae ng mister ang pagsama ng pakikitungo nito. Hindi na ito nag-iintrega ng perang kinikita sa pamamasada hanggang dumating sa puntong iniwan siya nito. 

Si Michael pa ang malakas ang loob na nagkipaghiwalay. Nagbarangayan sila at nagpirmahan. Base sa kopya ng kasunduan ng mag-asawang kanilang nilagdaan sa Barangay Caysio sa harap ng Punong Barangay Roberto G. Carpio

Ang lahat ng kanilang napundar ay ibibigay daw dito sa lalaki. Kaugnay nito magbibigay naman si Michael ng halagang Php100 araw-araw kay Cion.

Tumupad sa usapan itong si Michael mula buwan ng Abril hanggang Nobyembre subalit nagtigil din.

Sa kagustuhan ni Cion na malaman ang dahilan ng pagputol ng sustento ng mister inimbestigahan niya ito at nalamang may binabahay na raw ito.

Nag-‘file’ ng RA 9262 si Cion laban sa asawa. Nagkaroon ng pagdinig ang kaso sa ‘Prosecutor’s Office’at matapos lumabas ang impormasyon na isinasampa sa korte, nagbaba ng ‘Warrant of Arrest’ dito kay Michael. Apat na araw siyang nakulong at nakalaya rin matapos magpiyansa.

Tuloy pa rin ang kasong RA 9262, Abandonment sa MTC, Branch 77.  Nagkaroon ng pagdinig nung buwan ng Hunyo, Setyembre, Oktubre 2012.

Nung ika-21 ng Nobyembre 2012, nagkasundo sila ni Michael na magsusustento ito ng P75.00 kada araw. Ito ay pwedeng magtaas ng 5% kada taon.

Hindi tumupad si Michael kaya’t tinuloy ni Cion ang kaso. Nagkaroon muli ng pagdinig. ‘Di na umattend si Michael kaya’t nakansela ang unang ‘bail’ na inilagak niya.

Ika-9 ng Oktubre 2013, binabaan siyang muli ng warrant of arrest ng RTC, Branch 77 para sa kasong Violation of Section 2 of RA 9262. Pirmado ni Acting Presiding Judge Jaime L. Dojillo Jr.,---Php24,000 ang piyansang tinalaga.

Itinampok namin siya CALVENTO FILES sa radyo. “Hustisya Para Sa Lahat” DWIZ882 KHZ (Lunes-Biyernes 3:00-4:00PM/ Sabado 11:00-12:00NN)

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, nung una pa lang dapat halata na pinaiikot nitong si Michael si Cion. Maliban sa malaki ang agwat ng edad nitong si Michael… nung mawalan ng negosyo itong si Cion (kung totoo nga lahat ng sinasabi niya sa amin) iniwan na lang siya nito.

Maliwanag na pera lang ang habol ni Michael sa kanya. Kung titignan mo malaki rin ang mali ni Cion. Sa edad niya umasa na makakakuha siya ng bata. Maaring may makitang puwang si Michael sa mga ikinikilos ni Cion.

Ang langaw aali-aligid, kapag hindi mo binugaw… hindi ito aalis.

Ngayong nalabasan na ng ‘warrant of arrest’ muli Michael, para lubusang tulungan si Cion, irerefer namin siya sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) kay PSSupt. Rudy Lacadin ang Director for Operations ng CIDG para madakip itong kanyang WANTED: ‘YOUNGHUSBAND’. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig. Magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854.  Landline Nos. 6387285 / 7104038.

 

Hotlines: 09213263166, 09198972854

Tel. Nos.: 6387285, 7104038

BRVBAR

CION

MICHAEL

NAGKAROON

NIYA

SI MICHAEL

SIYA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with