ANG pasya ng Supreme Court – tinawag na final arbiter — ang itinuturing na tamang basa sa kahulugan ng batas. Kung kaya maging ang mga Supreme Court decisions ay itinuturo sa mga law school. Haligi ng mga syllabus ang mga desisyon ng Korte na dekada man ang nakalipas ay hindi pa rin nababago habang ang batas na pinapaliwanag nito ay hindi rin napapalitan.
Kapag napagdesisyunan na ng Mataas na Hukuman ang isang isyu, nababawasan ang tensyon sa lipunan. Posible lamang ito habang ang taumbayan ay nananatiling may tiwala sa Supreme Court. Ang mekanismo na pinaka-madaling makapagkumbinse sa atin nito ay ang istabilidad ng kanilang mga desisyon. Pabali-baliktarin mo man ang mga personalidad, basta pareho rin ang isyu o prinsipyong pinagtatalunan, may ekspektasyon tayo na iisa ang magiging hatol. Ito nga ang dahilan kung bakit ang mga desisyon ng Supreme Court ay itinuturing din na batas gaya ng mga Republic Act na pinapasa ng Kongreso. Ayon sa ating Civil Code, maging ang mga “judicial decisions applying or interpreting the laws or the Constitution shall form part of the legal system of the Philippines.â€
Kung kaya matindi ang galit ng lipunan tuwing nasasalaula ang prinsipyo ng pagrespeto sa mga nauna nang desisyon ng isang institusyon. Lalong-lalo na kapag ang mismong Supreme Court ang magsawalang bahala sa sarili nitong mga desisyon. Nangyari ito sa mga “flip-flopping†cases ng mga bagong lungsod sa League of Cities vs Comelec, sa kaso ng mga Flight Attendants laban sa Philippine Airlines at iba pa. At muli na namang nangyari sa kaso ni Marinduque Rep. Regina Reyes na kalaban ng anak ng isang mahistrado ng Korte. Ilang dekadang doktrina ang nabaliktad sa isang iglap. Napakamot tuloy ng ulo ang akademiya.
Ang mga desisyon ng Korte ay interpretasyon lamang ng batas na pinasa ng ating mga kinatawan. Kung kaya habang hindi pa rin nagbabago ang batas na pinapaliwanag ng mga desisyong ito, wala ring dahilan kung bakit mag-iiba ang matagal nang interpretasyon ng Hukuman. Bahagi na ng batas ang interpretasyon nito. Ang batas ay katha ng ating mga halal na kinatawan. Kung may kalayaan ang Korte na baguhin ang interpretasyon nito kung kailan maisipan, parang sila na rin ang mambabatas.
Hindi ito ang Konstitusyon na ating pinag-aralan.