Secret marshals

NOON pa man, palaruan na ng mga masasamang-loob ang lansangan. Lungga ng mga mandurukot, holdaper, magnanakaw, mamamatay-tao, sindikato at iba pang kauring masasamang elemento.

Year-round ang kanilang aktibidades o ‘yung mga crime against person at crime against property. Subalit, tumataas ang ganitong mga insidente tuwing “ber” months. Ito kasi ang panahon ng bonus, 13th month pay at iba’t ibang okasyon na may kaugnayan sa Pasko.

Pinag-aaralan ngayon ng Philippine National Police ang pagsasabalik ng secret marshals o mga undercover law enforcer na ipapakalat sa  mga pampasaherong bus at dyip.

Maliban sa mamo-monitor na ng mga secret marshal ang kawalang-disiplina ng mga drayber na sisingit-singit sa trapiko, mapoprotektahan din ang mga pasahero sa pang-aabuso at masasamang-loob.

Noong 2007, nahulog sa awtoridad ang notoryus na grupo ng mga holdaper na nambibiktima sa mga pampasaherong bus. Ang kanilang estilo, kumakalat at pumuposisyon sa iba’t ibang bahagi ng bus. Walong katao ang myembro ng grupo.

Umaatake sila kapag ang sasakyan ay nasa fly-over kung saan hindi puwedeng ihinto basta-basta ang sasakyan.

Habang ka-engkwentro ng mga awtoridad ang mga holdaper nang araw na ’yun, sakto namang tinatalakay ko ang kanilang modus sa aking programa sa telebisyon at radyo.

Dahil walo at may kanya-kanyang posisyon ang mga holdaper sa loob ng bus, binansagan ng BITAG ang grupo na “Otso Pares.”

Babala sa mga sumasakay sa mga pampublikong sasakyan, maging alerto sa mga masasamang-loob na lumulusot, nakikipagsiksikan at nagpapanggap na pasahero.

Mag-ingat.

Show comments