Pagsingil ng buwis

Idolo ng bayan nagmukhang kawawa

Dahilan sa perang di naman nawala;

Sa sipag ni Pacman ay dumami pa nga

Ngayo’y hinahabol sa buwis na tama!

 

Katatapos lamang ng huling panalo

Ng ating batikang Pambansang Kamao;

Ang ating BIR sangay ng gobyerno

Sinabing si Pacman ay mayr’ong atraso!

Atraso ni Pacman ay maraming pera

Na dugo at pawis ang puhunan niya;

Samantalang diyan ay maraming iba

Hindi pinapansin ang mga kinita!

 

Tama nga’t trabaho ng taga-BIR

Na singilin nila ang mga may utang

Ngunit di nila pinansin man lamang

Mga mayayamang ang pera ay nakaw!

 

Tama ring si Pacman kanilang singilin

Pero dapat sana tahimik palihim;

Pero sa nangyaring garapal na singil

Lantarang hiniya ang bayani natin!

 

Marami sa ating mga kababayan

Higit na marami ang pera kay Pacman

Pero kumilos ba ang taga BIR

Na ang utang nila ay ibuyangyang?

 

Atraso ni Pacman sa ating BIR

Maaayos ito kahi’t walang ingay;

Saka pera niya bakit pipigilan –

Ay wala pang kaso sa ating hukuman?

Show comments