SA kabila ng mga ulat na unti-unti nang bumabangon ang mga lugar na sinalanta ni Yolanda, tulad ng Tacloban, may mga nagaganap ding hindi kanais-nais. Kung buhay ang bayanihan sa panahon ng kalamidad, buhay na buhay din ang pananamantala.
Maraming pangangailangan ang mga nasalanta ng bagyo – pagkain, tubig, damit, gasolina, baterya, charge ng cell phone, kandila at marami pa. Kung sa mga unang araw ay may mga nabalitaan tayong mga tindahan at grocery na ipinamigay na lamang ang kanilang mga tinda para makatulong, may mga nananamantala ng mga pangangailangan para yumaman naman ngayon. Nakarinig ako ng balita kung saan may namakyaw ng mga generator, at ibinebenta ng halos doble sa parehong lugar! Ganundin ang gasolina. May mamimili ng galon-galon o drum-drum, at ibebenta sa mas mahal na presyo. Mahal na rin ang magpa-charge ng cell phone sa may mga kuryente. At nabalitaan ko rin na ibinibenta na ang mga ninakaw o ni-loot na gamit. Pati relief goods ay ibinibenta na rin umano.
Sino ang sinasaktan ng mga walang pusong “negos-yanteng†ito, kundi ang kapwa nilang nabiktima ng bagyo? Bakit kailangang pagsamantalahan ang sitwasyon, kung saan ang pangunahing tungkulin ng gobyerno at buong mundo ay makatulong?
At bukod sa mga walanghiyang negosyante, talamak na ang nakawan sa lugar. Bagama’t may mga pulis, hindi sapat para pigilin ang magnanakaw lalo na kapag dumilim dahil wala pang kuryente sa lugar. May mga lugar na hindi gaanong nasalanta ng bagyo, kaya sila naman ang target ng mga kawatan ngayon. Dahil sumasama ang sitwasyon, napipilitang maging armado na rin ang lahat. Malungkot talaga na sa kabila ng mga kuwento ukol sa bayanihan, kagitingan, sakripisyo, kawanggawa at tiyaga, may kuwento rin ng kriminalidad. At ang malungkot, tila pinalalampas na muna ng mga otoridad ang lahat. Hindi matapos-tapos ang pagiging biktima ng mga nasalanta!