EDITORYAL - Isantabi muna ang pulitika

HINDI lamang pagsisisihan at batikusan ang nangyayari kapag natapos na ang trahedya lumu­lutang din ang bangayan sa pulitika. At matindi ang epekto sapagkat ang mga kawawang biktima ng kalamidad ang nagdurusa.

Sa halip na magkaisa at magtulungan para madaling makabangon, ang pulitika ang pinangingi­babaw. Gumaganti sa kalaban sa pamamagitan ng pagdadamot sa mga pangunahing pangangailangan gaya ng relief goods. Dahil nagkaroon ng iringan sa nakaraan, sinasamantala ang sitwasyon para makaganti.

Ganito ang nakikitang senaryo sa ilang lugar na pininsala ng Super Typhoon Yolanda. Sa halip na ang unahin ay kung paano maitatayo ang mga nawasak, ang pinangingibabaw ay ang maruming pulitika. Kahit kailan, hindi nila maisantabi ang political differences. Lagi nang nakakabit ang pulitika kahit marami nang nawasak at nadurog ang lugar dahil sa kalamidad --- bagyo man o lindol. Kahit kailan, ang mga pag-aaway dahil sa pulitika ay lagi nang namamayani.

Sa isang bayan sa Leyte na grabeng pininsala ni Yolanda ay namamayani ang matinding iringan sa pulitika. Dalawang tao ang nagreklamo na hindi raw sila makapag-charge ng kanilang cell phone sa isang generator na inilagay doon para gamitin ng mga biktima ng bagyo. Pinagsabihan daw ang dalawang tao na hindi sila puwedeng makapag-charge sapagkat kabilang sila sa kalabang partido. Ayon sa dalawa, wala silang magawa kahit nag­ngingitngit. Kailangan pa naman daw nilang i-charge ang kanilang mga cell phone para makatawag sa kanilang mahal sa buhay. Umalis na lamang ang dalawa para maiwasan ang gulo.

Kamakalawa, isang barangay chairman ang nag-akusa na walang ibinibigay na relief goods sa kanilang barangay. Binabalewala raw siya dahil panig siya sa kalabang partido. Kawawa naman daw ang kanyang mga nasasakupan.

Itigil na sana ang ganitong hindi pagkakaunawaan dahil lamang may kinampihang pulitiko o sinuportahan. Kalimutan ang pag-aaway. Walang ibubunga ang ganito sa sitwasyong marami ang naghihirap dahil sa nangyaring bagyo. Isantabi ang pulitika sa pagkakataong ito at sikaping makabangon.

 

Show comments