EDITORYAL - Maguindanao massacre

BUKAS ay gugunitain ang ika-apat na anibersaryo ng karumal-dumal na Maguindanao massacre. Parang kailan lang nang maganap ang pinakamadugong pangyayari sa panahon ng election sa Pilipinas. Pero sa kabila na apat na taon na ang nakalilipas, wala pang nababanag na pag-asa ang mga naulila ng 58 kataong biktima. Hanggang ngayon, hindi pa malaman kung kailan matatapos ang kaso.

Sa 58 pinatay, 30 rito ay mga mamamahayag. Sumama ang mga mamamahayag sa convoy ng supporters ni Toto Mangudadatu para magpa-file ng certificate of candidacy. Ang asawa ni Mangudadato ang magpa-file ng certificate of candidacy para sa kanya. Bukod sa asawa ni Mangudadatu kasama rin sa convoy ang dalawang kapatid na babae. Pero bago pa sila makarating sa lugar, hinarang na sila ng mga armado. Pinababa sa sasakyan at niratrat. Nang matiyak na patay na lahat, sama-sama silang inilibing sa malaking hukay.

Ang mga suspect ay ang mag-aamang Ampatuan --- Andal Ampatuan Sr., Andal Jr. at Zaldy at 200 iba pa. Itinatanggi nila ang krimen. Wala umano silang nalalaman. Nakakulong sila ngayon sa Bicutan jail at patuloy ang arraignment. Ang mayhawak ng kaso ay si Judge Jocelyn Solis-Reyes ng Quezon City Regional Trial Court Branch 221.

Mabagal ang pag-usad ng kaso. Sabi ng ilang eksperto sa batas, aabutin daw ng hanggang 200 taon ang kaso. Kung ganito katagal ang paghihintay sa kaso, maaaring patay na ang mga inaaku­sahan at maging ang nag-aakusa at mga testigo.

Hindi kataka-taka kung ang mga pamilya ng ilang biktima ng massacre ay gusto nang makipag-settle sa mga suspect, gaya nang napabalita ilang buwan na ang nakararaan. Malaking pera umano ang iniaalok ng mga inaakusahan sa pamilya ng mga biktima. Pero pinabulaanan ng Department of Justice na gusto nang makipag-settle ang mga naulilang pamilya.

Bilisan ang paglilitis sa kasong ito. Kapag nagtagal pa, maaaring mawalan ng saysay ang pagsisikap ng mga awtoridad sapagkat nagka­aregluhan na. Hindi dapat masayang ang pagod, hirap at luha sa karumal-dumal na kaso.

 

Show comments