HINDI ko maituturing na ang dalawang magkasunod na kalamidad sa bansa (lindol at delubyo) at ang naunang eskandalo sa P10 bilyon pork barrel scam ay mga pangyayaring coincidence lang o pinagtiyap ng pagkakataon.
Noong Abril 11 ng taong ito, may bumisitang dayuhang Christian prophet sa bansa sa katauhan ni Prophet Vincent Selvakumar. Siya ay dumalaw sa bansa sa pagtataguyod ng Intercessors for the Philippines sa pamumuno ni Bishop Dan Balais. Ang propeta ay nagpahayag ng mga malagim na pangyayari sa bansa kung ang mga Pilipino ay hindi magsisisi sa kanilang kasalanan. Ang okasyon ay ginanap sa Cuneta Astrodome.
Ang buod ng kanyang propesiya ay dapat magbalik-loob sa Diyos ang bawat Pilipino at talikdan ang kasalanan at kung hindi’y sasalantain tayo ng mga mapaminsalang bagyo at baha. Kung naniniwala tayo sa Biblia, nakasulat namang lahat iyan. Kung ang mga tao’y sumusunod sa DiyosÂ, ang bansa ay pinagpapala pero kapag nagkakasala, naroroon ang kaparusahan.
Isang araw bago maganap ang delubyo sa Tacloban, Leyte, nanaginip ako na nilalangoy ko ang kahabaan ng España patungong Quiapo dahil sa isang teribleng baha sa Metro Manila. Paggising ko kinaumagahan ay ibinalita na nga sa TV ang pag-landfall ng bagyong Yolanda sa Kabisayaan at ang pag-apaw ng karagatan na umabot sa 15-talampakan. Libo-libo ang mga namatay at ang mga bangkay ay nagkalat sa lansangan nang humupa ang baha.
Kinabahan ako dahil sa panaginip ko ay nasa Metro Manila ang delubyo. May mensahe palagi ang Diyos at posibleng susunod na masasalanta ang Kalakhang Maynila. Tayong mga Kristiyano ay naniniwala sa law of sowing and reaping. Kung ano ang itinanim ay siyang aanihin. Nagtanim tayo ng kasalanan kaya kapahamakan ang bunga nito.
Hindi natin pakay na manakot. Pero kung naniniwala tayo sa Diyos at sa kanyang Salita, ugatin natin ang pinagmumulan ng mga sakunang ito. Sabi ng iba, climate change. Naniniwala akong higit pa riyan ang dahilan. Ito ay ang kasalanan ng mga tao, partikular na yung mga inihalal nating mamuno sa bansa pero nililimas ang kayamanang dapat gamitin sa pagseserbisyo sa sambayanan. Tayo mang mga karaniwang tao ay may mga natatagong kasalanan na dapat nating pagsisihan kung ibig nating mahango tayo sa kapahamakan na bunga ng ating pagsuway sa Diyos.