MAG-INGAT sa mga estrangherong lumalapit at nagmamagandang-loob sa inyo. Posibleng mabiktima kayo at masimot ang laman ng inyong ATM card.
Sa mga lugar na maraming automated teller machine, tumatambay at nagmamanman ang mga kawatan. Ang kanilang estilo, mag-aalok ng tulong o mag-aasiste kuno sa pagwi-withdraw ng pera.
Si Susan, 80-anyos at retiradong guro, biktima ng nasabing modus. Ayon sa kanya, nilapitan siya ng isang babaing nag-aalok ng tulong habang nagwi-withdraw sa ATM.
Estilo ng mga dorobo na magmagandang-loob sa ganitong uring modus. Lingid sa kaalaman ng biktima, sa paglapit pa lang sa kanya, nasilip na ng kawatan ang kanyang PIN code.
At nang kunwaring tutulungan siyang ipasok ang kanyang ATM card, simbilis ng kidlat, napalitan agad ang card.
Dalawang araw pa muna ang lumipas bago nalaman ng pobreng ginang na nai-switch ang kanyang ATM card. Kaya nang ipagbigay-alam niya ito sa banko, nasimot na ng suspek ang P200,000 laman ng kanyang bank account.
Sa datos na ipinakita ng banko, nabatid na ang card na naipalit kay Susan hindi rin pala pag-aari ng kawatan. Lumalabas na napitik din ito sa iba pa nilang nabiktima.
Kung uusisain, ang estratehiya ng mga nagpapanggap na good Samaritan, walang pinagkaiba sa budol-budol gang. Lugar at sitwasyon lang ang pinagkaiba, pero ang motibo ay iisa.
Paalala ng BITAG, maging alerto sa mga nag-aalok ng tulong. Maging paladuda at baka ang kausap mo’y minomodus ka na. Marami na ang nabiktima sa ganitong hokus-pokus. Mag-ingat.