Dapat bang mag-sorry si President Noynoy?

TATLONG taon na ang nakalilipas sapul nang maganap ang hostage-taking incident sa Luneta na ikinamatay ng ilang Hong Kong nationals. Hangga ngayon ay naghihintay pa rin ang mga Tsino sa Hong Kong na personal na mag-sorry si Pangulong Benigno Aquino III.

Humingi na ng dispensa ang bagong Mayor ng Maynila na si dating Presidente Estrada pero ayaw itong tanggapin ng pamahalaan ng Hong Kong. Dinaan na rin sa ibang diplomatikong paraan ang pagpapahayag ng pagkalungkot ng Pilipinas sa insidenteng yaon pero wa-epek. Kailangan daw, ang Presidente ang personal na humingi ng tawad dahil ang krimen ay nangyari sa Pilipinas at kinasangkutan ng mga awtoridad ng pamahalaan.

Sa mga pangyayaring ito’y nagbabanta na ang Hong Kong ng economic sanctions laban sa Pilipinas.  Balak ding alisan ng visa free privilege ang mga Pilipinong turistang nagtutungo roon. Nanganganib din sa diskriminasyon at pagmaltrato ang mga kababayan nating Pinoy na nagtatrabaho sa naturang bansa.

Para sa akin, walang masamang magpakumbaba ang Pangulo at humingi ng tawad sa ngalan ng buong bansa. Hindi ito makamemenos sa kanyang pagiging leader bagkus, lalo pang tataas ang respeto sa kanya ng buong daigdig. Meekness isn’t weakness and humility isn’t fragility.

The President needs to have a Nehemiah heart. Sa Lumang Tipan ng Bibliya, si Nehemiah, sa kabila ng pagi­ging matuwid sa mata ng Diyos ay nanikluhod at inihingi ng tawad sa Diyos ang kasalanan ng buong Israel.  He prayed as though he committed all the sins of his nation.

Para sa Pangulo, labag sa protocol ang personal niyang paghingi ng tawad sa Hong Kong dahil ang insidente ay nangyari sa isa lamang  maliit na lungsod. Hindi ko alam kung may masamang diplomatic backlash ang paghingi ng tawad pero sa tingin ko’y wala.

I believe it will do good if Noynoy breaks protocol, humbles himself to assuage the hurt feelings of HK people by offering a sincere apology. Pero sa paghahayag na ito, dapat ipakita rin ng Pangulo ang determinasyon sa pagsupil sa di-makatarungang pananakop ng Tsina sa mga karagatang nasa ating teritoryo.

Kung minsan, kailangan nating bumaba sa matayog na kinalalagyan para sa mas dakilang layunin.

 

Show comments