Dumalaw sa medical museum: Libre ito!

BUKAS na po ang kauna-unahang medical museum sa Pilipinas. Labinlimang taon na nilikom ng Co Tec Tai Medical Museum ang mga antique na gamit pang-medikal.

Matutunghayan sa Medical Museum ang kasaysayan ng kalusugan sa bansa mula noong panahon ng Kastila, panahon ng Americano, pananakop ng Hapon at hanggang sa kasalukuyang panahon.

Maraming kakaibang gamit ang naka-display tulad ng mga antique na aparato, lumang bag ng doktor at memorabilia ni Dr. Jose Rizal. Mayroon din lumang clinic ng isang doctor, paanakan, sterilizer at sinaunang mga gamutan.

Bukod dito, may higit sa 3,000 kakaibang larawan ang makikita. Ito ay may petsa mula 1887, 1902, 1940’s, hanggang sa kasalukuyan. Iba’t ibang kuwento sa kalusugan ang matututunan. Naka-display ang litrato ng    unang nars na graduate noong 1907, ang unang medical schools tulad ng University of Santo Tomas (1877) at University of the Philippines (1905). May mga paintings din na nagbibigay ng inspirasyon sa mga kabataang balak mag-nursing o mag-doktor.

Ayon sa Museum Chairperson na si Ms. Julie Ong-Alonzo, ang layunin ng Medical Museum ay para magbigay ng kaalaman sa ating publiko hinggil sa sitwasyon ng kalusugan sa Pilipinas. Alam naman natin na nag-aalisan na ang ating mga doktor at nars para mangibang bayan. Ang Co Tec Tai Medical Museum ay itinaguyod ni Mr. Co Tec Tai at Mrs. Juanita Ong.

Dahil layunin ng Museum na makatulong sa ating bansa, libre ito para sa publiko.

May libreng lecture at libreng certificate din para sa mga grupo na dadalaw.

Iniimbitahan namin ang mga colleges, high schools, nursing schools at medical schools na dumalaw sa Co Tec Tai Medical Museum. Siguradong marami kayong matututunan.

 Matatagpuan ang Medical Museum sa 2540 Taft Avenue Pasay City, pagitan ng Libertad street at EDSA rotonda LRT Station. Bukas ang Museum mula 9:00 a.m. – 5:00 p.m. Para sa mga grupong gustong dumalaw, tumawag lamang sa 833-8292 o 833-0215.

Show comments