Walang takot, dahil hindi mahigpit
KARAHASAN, gulo, away, dayaan sa panahon ng halalan. Ano ang bago diyan, eh nasa Pilipinas tayo? Ilang insidente ng karahasan ang naganap sa araw mismo ng barangay elections sa iba’t ibang panig ng bansa. Mismo ang PNP ang umamin na tumaas ang bilang ng insidente ng karahasan magmula pa noong nakaraang dalawa o tatlong buwan. Mga nagsabunutang poll watcher, mga nagsuntukang taga-suporta ng magkatunggaling kandidato, at barilan. Hindi rin nawala ang mga insidente ng umano’y dayaan, vote-buying, pagdukot ng mga ballot boxes, mga nawawalang pangalan sa listahan at siyempre, mga flying voters at mga pumanaw nang mga botante na tila nabuhay muli. Sa totoo lang, parang mas marami pa yatang insidente ng mga nabanggit na insidente sa eleksiyong ito kaysa noong 2010 at Mayo nitong taon. Patunay lang kung gaano kainit, at kahalaga sa ilang mga kandidato ang eleksiyong ito. Eleksiyon para sa pinaka-batayang sangay ng gobyerno, ang barangay. Magtataka ka talaga kung bakit tila napakahalaga sa mga kumakandidato ang manalo, kahit sa anong pamamaraan. Ayon sa legal Network for Truthful Elections (LENTE), dapat maging mahigpit na raw ang Comelec sa parusa para sa mga lumalabag sa mga batas hinggil sa eleksiyon. Tila walang takot ang mga lumalabag na kandidato at taga-suporta dahil hindi naman mahigpit ang batas at wala namang napaparusahan o nakukulong. Kailangan may maparusahan at makulong, para maging epektibo ang batas.
Pero kung naging magulo naman ang botohan sa ilang barangay, may mga barangay naman na unang binansagang mga “hotspot†o “areas of concern†ang napakaayos at mapayapa ng botohan! Iilan lang naman ito, pero ganun nga, puwedeng mangyari ang maayos at mapayapang eleksiyon. Nasa tao na talaga. Hindi pa nilalabas ng Comelec kung ilang porsyento ng mga botante ng bansa ang bumoto sa araw na ito, pero hindi pa rin nawala ang pagkawalang interes at pakialam ng iba sa eleksiyong ito. May mga nagsasabi na wala naman daw naitutulong ang mga opisyal ng kanilang barangay sa kanila, kundi sa ilang lugar lamang, partikular ang mga lugar ng “informal settlersâ€. At totoo nga na karamihan ng mga tumatakbo sa eleksiyong ito ay galing sa mga hanay ng mga mahihirap. Kaya may agwat pa rin ang mahihirap at may pera pagdating sa pagpapatupad ng mga tungkulin ng mga opisyal ng barangay. Isang bagay na kailangang matukoy ng pamahalaan, kung tunay na maging epektibo ang barangay. Kailangang silbihan ang lahat, hindi lang ang mga taga-suporta, kundi ang buong barangay.
- Latest