Greater Manila dapat mag-earthquake drill

KINIKILABUTAN ang Greater Manilans sa panonood ng balita tungkol sa Intensity-7.2 earthquake sa Bohol-Cebu. Tampok sa TV news ang mga gumuhong simbahan at bahay, tao na natabunan ng bubong o landslide. Walang kuryente at komunikasyon; tumumba ang mga poste at nagiba ang mga tulay. Walang mainom dahil naputol ang water lines; kulang sa pagkain dahil hindi maabot agad ng rescue-and-relief teams. Iniisip ng Greater Manilans: paano kung gan’ung kalakas na lindol ang yumanig sa kanila, ano ang mangyayari?

Tiyak, mas malala. Kung ang pagkawasak sa mga ka­bayanan at liblib na baryo sa island-provinces ay grabe, e di lalo pa sa siksikan, nagtataasang gusali sa Metro Manila at mga kadikit-probinsiya ng Bulacan, Rizal, at Cavite.

Pinag-aralan ang sitwasyon ng United Nations International Strategy for Disaster Reduction. Kapag yumanig ang West Valley Fault, guguho ang 40% ng mga bahay, dahil unstable ang pagkakagawa. Gay’un din ang government buildings; ang masaklap, karamihan dito ay public schools at hospitals, at istasyon ng bumbero. Mabubuwal ang mahihinang infrastructures; kabilang dito ang Guadalupe Bridge sa Makati, at LRT-MRT railways. Sa unang oras pa lang, 34,000 agad ang patay na tao sa bagsak na gusali, pagka-kuryente, banggaan, atbp., at 114,000 ang sugatan. Mahigit 5,000 sunog ang sisiklab.

Kailangan maghanda ang Greater Manilans, hindi lang bilang indibidwal kundi bilang isang higanteng komunidad, tulad ng mga siyudad sa Japan at California. Dapat magdaos ng malakihang earthquake drills. Kasama dito ang pagsubok ng mamamayan kung paano mabuhay, makakain, magpagamot, at makatulong.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com

 

 

Show comments