EDITORYAL - Malaking bonus ng SSS officials

DAPAT ding bigyan ng performance bonus ang mga opisyal ng Social Security System (SSS) dahil nagtatrabaho rin naman sila pero hindi naman P1 milyon. Sobra namang laki ito. Nakakahiya naman sa isang SSS pensioner na ang mababang tinatanggap ay P2,000. Parang pinupulot lang nila ang pera gayung galing din ito sa SSS members. Ang ibang miyembro (gaya ng voluntary members o self-employed) para makapaghulog nang regular ay inaagaw pa ito sa bibig. Nagtitipid sila para makapag-ipon tapos ay biglang mapapabalita na milyones ang bonus ng SSS officials.

Inuulan ng batikos ang SSS officials. May nag-rally na nga sa SSS main headquarters sa East Avenue, QC noong Huwebes at hinihiling na isauli nila ang milyong bonus. Lalo pang nadagdagan ang ngitngit nang ihayag na magdadagdag ng SSS contributions sa Enero 2014. Mula 10.4 percent ay magiging 11 percent na ang hulog. Magiging P110 na ang pinaka-mababang contributions samantalang ang maximum ay magiging P1,760.00. Ayon sa SSS ang pagtataas ng contributions ay aprubado ni President Aquino.

Ayon kay SSS President at CEO Emilio de Quiroz, ang P1-milyon na ibibigay ay performance bonus sa walong board officials noong 2012. Sabi ni De Quiroz ang pagbibigay ng bonus sa mga opisyal ay moral. Nararapat daw ito sapagkat nakagawa naman nang maganda sa corporation ang mga opisyal. Nakasaad  din naman daw sa Governance Commission na dapat magbigay ng performance bonus ang mga GOCCs sa kanilang opisyal.

Habang magtataas ng contributions at mamumudmod ng milyon ang SSS, mahaba naman ang pila sa mga nagpa-file ng death benefits, sickness benefits at pati pagpapakuha ng ID. Mayroong miyembro na nagpa-file ng death benefits ng kanyang kapatid ang inabot na ng apat na buwan pero hanggang ngayon ay hindi pa natatanggap. Ang mga nag-file para sa SSS-ID ay halos dalawa at tatlong buwan nang naghihintay. May mga nagrereklamo rin na halos walang parking space para sa members sa SSS Headquarters samantalang ang mga opisyal at empleado ay meron para sa mamahalin nilang mga sasakyan.

Walang masama kung bigyan ng bonus ang SSS officials pero hindi naman sobra-sobra. Nakakahiya sa mga mahihirap na miyembro. Wala ring masama kung magtaas ng contributions, pero dapat isaayos ang pagbibigay ng serbisyo sa mga miyembro. Hindi sila dapat pahirapan sa pag-claim ng mga benepisyo.

 

Show comments