Kuliglig sa Roxas Blvd

KADALASAN, ang katigasan ng ulo ng ilang motorista ang nagdudulot ng panganib sa kanilang buhay. Iyan ang      aking nasaksihan kamakalawa ng gabi sa harapan ng Raja Sulaiman sa Roxas Blvd., Malate, Manila. Paano kasi nga suki, mahigpit na ipinagbabawal ng City Council of Manila ang pagdaraan ng mga kuliglig (motorized tricycle) cargo trucks, passenger bus at jeepney mula Padre Burgos Ave., Ermita hanggang Pablo Ocampo (dating Vito Cruz) St., Malate. Subalit tuloy pa rin sa katigasan ng ulo ang mga ito kaya napapahamak ang ilan sa kanila.

Katulad na lamang sa nangyari sa isang kuliglig na nabangga ng isang Toyota Land Cruiser na may plakang JIX-333. Puno ng mga gulay ang kuliglig mula sa pamamakyaw sa  Divisoria na ititinda sana sa Pasay City Market. Sa lakas ng pagkakabangga tumilapon ang limang tao na sakay ng kuliglig at sumambulat ang mga gulay.  Ang resulta nasa kritikal na kondisyon sina Geronimo Jaligue (driver ng kuliglig), Ruth Jarabe, 30, (live-in-partner ni Jaligue), Roselyn Reyes, 19, Imelda Garcia, 56 at Jonna Dumlao, 15, na pawang mga tindera ng gulay. Kitang-kita ang paghihirap ng mga biktima sa mga tinamong sugat at bali ng buto. Ang masakit tumakas ang driver ng SUV na nakilalang si Hong Ji Xiang ng Ongpin St., Binondo, Manila. Nalaman ang pangalan niya sa resibong nakita sa sasakyan.

Ilan lamang iyan sa problemang makakapagmulat sa ating mga motorista na ang bawal ay hindi dapat gawin. Kasi nga kung magpapatuloy pa rin sa katigasan ang ulo tiyak na sa ospital o sementeryo ang tungo. Get n’yo mga suki! Mukhang panis na ang laway ni Manila Vice Mayor Isko Moreno kaya hindi na siya sinusunod ng mga miyembro ng  Manila Police District. Kasi nga noon, sangkaterbang pulis ang kanyang kasama sa panghuhuli ng mga ipinagbabawal na sasakyan na dumaraan sa Roxas Blvd. Ngunit ngayon, walang pulis na naninita pagsapit ng gabi, marahil pasok na sa bulsa ang mga padulas kaya wala nang bawal-bawal pa, hehehe! Magkano kaya ang parating na datung ni MPD-Traffic chief CInsp. Olivia Sagaysay sa mga mobile car na sumasahod kamay sa may tapat ng Monumento ni Rizal?  Kasi nga habang nakikita na patuloy na naglalakbay ang mga sasakyang ipinagbabawal, tiyak na may tinatanggap ang mga pulis. Abangan!

Show comments