TULOY-TULOY ang pagrereporma sa Bureau of Customs, anang Malacañang. Katunayan daw nito ang pagtalaga kay retired Armed Forces chief Jesse Dellosa bilang kapalit ng dalawang resigned deputies Danny Lim at Horacio Suansing Jr. Papalitan din daw ang dalawa pang deputies Peter Manzano at Juan Tañada nina Trinidad Rodriguez ng Dept. of Finance at Myrna Chua ng Dept. of Budget and Management. Sana malinis na nila ang ahensiyang lumalabas na pinaka-baluktot ang daan sa ngayon.
Sa kabulukan ng Customs, pati bagong importers ay pinipilit agad sumali sa racketeering ng mga kawatan. Ganito ang modus operandi:
Mapapansin ng nasa itaas na bago ang pangalan ng legal na nagpapasok ng goods sa tulong ng datihang broker. Ipaho-hold ang milyon-milyon-pisong halagang kargamento sa kung anong dahilan. Magpapa-inspection ang importer at broker niya. Wala silang kamuwang-muwang, bubulungan ng nasa itaas ang isa pang broker na kasapakat sa raket. Magpa-file ang kasapakat na ito ng papeles na siya kuno ang tunay na broker, at sadyang mamaliin ang deklaradong laman at halaga ng kargamento. Natural, dahil lalabas sa inspection na technical smuggling, ipapa-kumpiska ang kargamento. Sa gan’ung ipitan, sasabihan ng kasapakat na broker ang importer na maglagay sa nasa itaas. Kung tumanggi ang importer, ipapasubasta ang kargamento niya. At kung daanin ng importer at original broker sa kasuhan, mahihirapan silang patunayan na hindi nila kailan man totoong ka-deal ang kasapakat ng broker. Magmumukhang sila pang mga biktima ang bulaan.
Alam ni Customs chief Rufino Biazon ang raket na ito.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com