KAUUWI lang ni Transportation Sec. Joseph Augustus Emilio Aguinaldo Abaya mula Tokyo. Dumalo siya sa APEC Transportation Ministers’ Meeting, September 4-6. Isa sa mga unang pahayag niya pagbalik sa Maynila ay ang pa-ngangailangan ng subway system sa megalopolis Manila.
Agad siyang binatikos. Kung Light Rail Transit (LRT) at Metro Rail Transit (MRT) lang na ground level at elevated na tren ay hindi maayos-ayos ng departamento niya, underground pa kaya? Baka bahain ang subway, tulad ng Lagusnilad underpass sa Luneta.
Ma-kontrobersiya ang LRT at MRT. Bulok na ang trains at coaches. Binisto ng Czech ambassador na kinikikilan ng MRT managers ang Inekon Inc. ng $30 milyon para pasalihin sa bidding ng maintenance.
Bugok din ang iba pang mga ahensiya sa departamento ni Abaya. Walang maiisyu na bagong plaka ng sasakyan ang Land Transportation Office, at ang bidding para sa bagong fabricator ay maanomalya. Blacklisted ng gobyerno ang Filipino partner dahil sa forgery, at kapos sa kapital ang Dutch partner. Na-video pang ilegal na naglalaro ng slot machine sa casino si LTO chief Virginia Torres. Isang buwan nang sinisiyasat ni Abaya, wala pang resulta. Itiniwalag na si Torres ng sariling simbahan sa paglabag ng disiplina, pero si Abaya babagal-bagal.
Ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board ay mabagal din sa pag-isyu ng prankisa sa utility vehicles.
Nalilibang si Abaya sa ibang bagay. Ito kaya’y dahil sa 10 kasapi ng Philippine delegation sa Tokyo kamakailan, anim silang magkakamag-anak? Kasama niya nu’n sina: Atty. Michael Angelo A. Abaya, Plaridel Madarang Abaya, Ma. Consuelo Aguinaldo Abaya, Paul Plaridel Aguinaldo Abaya Jr., at Emilio Maximo Jose Aguinaldo Pulido.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com