Ngayo’y may digmaan doon sa Zamboanga
Pawang Pilipino ang nagsasagupa;
Tayong naririto sa Luzon, Visayas
Sa mga naroon tayo’y awang-awa!
Ganitong labanan ay hindi marapat
Ang nagpapatayan ay magkakabalat;
Magulang, kapatid buhay nauutas
Tayong apektado ay nakikimatyag!
Bakit nangyayari ganitong labanan
Sa isang panahong malaya ang bayan;
Bakit tayo-tayo ang nagpapatayan
Gayong nasa labas tunay na kalaban!
Sa tuwing sa bansa’y may malaking kaso
Tulad ng pork barrel tayo’y gulong-gulo;
Dapat na ang kaso’y dalhin sa husgado
Bakit sa malayo pumuputok ito?
Hindi ba’t ang isyu sa Metro nangyari
Doon sa Zamboanga ay may nagrebelde;
Maiisip natin mga taong mali –
Nagsikap takasan galit nang marami!
Ganitong nangyari’y naganap din noon
Nang dito’y may baho na biglang naamoy
Hindi malilimot sa Maguindanao iyon –
Botante’t mediamen minasaker doon!
Tila mga anghel ay naging demonyo
Kaya nakaisip paraang ganito;
Sinong mga utak ng sistemang ito’t
Tayong mga Pinoy ginagawang gago?