MARAMI nang gumagamit ng social networking sites sa pakikipagtalastasan, transaksyon at pamimili ng produkto! Kasabay ng pag-unlad ng teknolohiya, lalong naging mapamaraan ang mga negosyante at business-minded individuals na tugunan ang virtual mall ng publiko.
Sa halip kasi na personal pang pumunta ang mga mamimili sa mga boutique at mall, hindi na lumalabas ng kanilang mga bahay at ginagamit nalang ang social media! Ito ang tinatangkilik ngayon ng publiko sa maraming bahagi ng mundo.
Pero kuwidaw! Malaki kasi ang posibilidad na mahulog kayo sa mga dorobong nagtatago sa mga social networking site! Sila ‘yung mga nag-aalok ng mga produkto at serbisyo na alam nilang kakagatin ng publiko. Tulad ng ibang lehitimong online seller, nag-aalok din ang mga dorobo ng online delivery order. Ito ang kanilang estilo para makapambiktima!
Babayaran muna ng kustomer ang mga produktong bibilhin sa pamamagitan ng banko o mga money transfer ayon na rin sa napagkasunduan nila ng seller. Dito na nangyayari ang hokus-pokus! Kapag naipadala na ang pera sa kanila, agad na silang mawawala gayundin ang mga inorder nilang produkto!
Aminado ang Department of Trade and Industry na wala pa silang kakayahang kontrolin ang mga online seller dahil maluwag ang paraan ng pagnenegosyo online. Ngayong “ber†months, mas agresibo ang patalastas ng mga kawatan!
Nililinaw naman ng BITAG, hindi ko layunin na siraan ang mga totoo at lehitimong online selling website sa internet. Nagbibigay lang ako ng babala sa publiko upang hindi mabiktima ng mga manggagantso!
Paalaala ng DTI at BITAG, bago pumatol sa mga online selling website, beripikahin muna lagi ang kanilang pangalan at integridad. Ugaliing humingi ng resibo sa bawat transaksyon, mapa-personal man o online upang matiyak ang inyong gaÂrantiya sa produkto.
Bagama’t online shopping na ang trend ngayon, mas mainam pa ring bisitahin muna ng personal ang mga boutique o pwesto ng mga online seller na pagbibilhan ng mga produkto upang masigurong lehitimo ang kanilang operasyon.