MAY babala ang DOH at FDA tungkol sa pekeng gamot. Ayon kay Dr. Kenneth Hartigan-Go, Director General ng FDA, dapat nating malaman kung tunay at epektibo ang ating biniling gamot. Sa Pilipinas, kadalasang pinepeke ang gamot sa high blood, cholesterol, antibiotics at sildenafil (gamot sa impotence).
May mga palatandaan na posibleng peke ang gamot:
1. Magduda ka kapag nabibili lamang ang gamot sa mga maglalako (peddler) at kung sinu-sino lang ang nagbebenta nitong gamot. Suriin kung lisensyado ang tindahan o botika sa FDA.
2. Magduda kapag napakamura ang presyo ng gamot. Kung P100 ang halaga ng gamot sa botika, magtaka ka kung ibinibenta lang ito ng P50 sa iyo. Malamang ay peke iyan.
3. Bago bumili ng gamot mula sa internet (online), isipin muna kung kailangan mo itong gawin. Hindi ba puwede na sa botika ka na lang bumili? May pagsusuri na nagsasabi na 50% ng gamot mula sa internet ay peke. Mas ligtas ang pagbili sa botika dahil may permanenteng puwesto sila at may resibong binibigay. Kapag nagkaroon nang problema sa gamot, puwede kang magreklamo sa botika.
4. Ang pakete ng pekeng gamot ay maaaring malabo ang imprenta. Hindi gaano mabasa ang FDA registration number, lot number at expiration date.
5. Hindi pareho ang lalagyan ng pekeng gamot sa orihinal na gamot. Puwede mong tingnan ang hitsura ng orihinal na pakete ng gamot.
6. Mababa ang kalidad ng tableta. Suriin kung mada-ling madurog, nagdikit-dikit at mamasa-masa ang tableta. Sa mga syrup, suspension at injections, silipin kung may naninigas o manumuo sa loob ng bote o vial.
7. At kapag hindi gumagaling ang pasyente, pagdudahan na posibleng peke ang gamot.
Ang mga pekeng gamot ay puwedeng makamatay at makapagpapalala ng karamdaman dahil sa mga sangkap nito. Mabuti sana kung gawgaw lang ang laman nito ngunit papaano kung may lason pa.
Napakasama ng epekto sa kalusugan ng pekeng gamot. Hindi nila naiisip ang mga buhay na puwedeng mapahamak dahil sa kanilang kagagawan. Ayon sa batas, may P100,000 hanggang P500,000 multa at 6 buwan hanggang10 taong pagkakulong ang puwedeng maging parusa sa mga nagbebenta ng pekeng gamot. Ipapasara rin ang kanilang puwesto.
Kaya bumili na lang tayo ng gamot sa lisensyadong botika at laging humingi ng resibo bilang katibayan. Mag-ingat sa pekeng gamot.