HUWAG sana bale-walain ng mga politiko ang kumukulong sitwasyon sa kasalukuyan. Nagniningas ang poot ng mamamayan sa bulok na sistemang politika. Isa lang sa maraming hinaing ang pagnanakaw sa taunang P27-bilyong pork barrel ng Kongreso at P45 bilyon pang sa kamay ng Presidente. Susunod na isusulong ang iba pang isyu -- na ang buod ay tunay at ganap na pagsisilbi, hindi paghahari o pagpapabaya o pagsasamantala, ng mga halal na pinuno sa taumbayan. Halimbawa: sapat na hanapbuhay, de-kalidad na edukasyon, dignidad ng pabahay.
Bihasa makisalamuha ang mga elitistang pulitiko sa mga maralitang mangmang. Ito ang mga inuuto nila nang panandaliang aliw, abuloy sa kasal-binyag-libing, pakain sa eleksiyon -- kapalit ang boto at pananatili ng political dynasty sa puwesto. Kung silang dalawang uri lang ang namumuhay sa bansa, maari siguro silang maggamitan.
Pero hindi maitatatwa ng politiko na meron ding middle class -- ang panggitnang sektor ng mga nag-iisip na Pilipino, mga may pinag-aralan, manggagawa at propesyonal. Halimbawa nila ang mga nagbabasa ng kolum na ito. Sila ang nagbabayad ng buwis -- halos 65% ng kabuoang koleksiyon, dahil sa dami nila, na pampatakbo ng gobyerno at pampasuweldo sa burokrasya at politiko. Sila ang tunay na nagpapabago ng anomang sistema.
Middle class din ang mga umalma kamakailan sa Occupy Movements sa America at riots sa London at Paris nu’ng 2011, at malawakang demonstrasyon sa Egypt, Sweden, Brazil, Turkey, at Indonesia ngayong 2013. Sa buong mundo umaalma ang middle classes laban sa mga demokratikong hinalal ngunit manhid na gobyerno. Magsilbing babala ito sa mga politiko sa Pilipinas: magbago na kayo!
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com