BUKOD sa pagmamaneho ng lasing, o pagti-text habang nagmamaneho, may isa pang delikadong kundisyon na maaaring maging sanhi ng masamang disgrasya. Ang matinding antok. Kailan lamang ay may namatay sa may Katipunan flyover nang bumangga ang kanyang sasakyan sa concrete divider ng nasabing flyover. Sa ginawang imbestigasyon, hindi naman lasing o nakainom ang drayber, kaya ang hinala ay inantok at nakatulog siya habang naglalakbay sa Katipunan. Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang drayber.
Napakaraming bilang ng mga aksidente kung saan nakakatulog ang drayber. At hindi lamang sa gabi o madaling araw tinatamaan ng antok ang isang tao, kundi pati sa umaga at hapon. Kapag biglang nagigising ay natataranta pa kung ano ang gagawin, kaya mas lalo pang nababangga. Imbis na preno ang aapakan, silinyador pala. Ayon sa mga dalubhasa, may kemikal sa utak na habang nagmamaneho, ay bumabagsak, na sanhi naman ng antok. Matinding konsentrasyon ang kinakailangan kapag nagmamaneho. Dahil dito, napapagod rin ang utak at bumabagsak ang lebel ng serotonin, hanggang sa antukin na nang husto.
Sa naganap na aksidente sa Katipunan, maaaring pagod na ang nagmamaneho galing trabaho. Pagod at puyat ang mga kadalasang dahilan kung bakit inaantok sa manibela. Kaya mahalaga ang makapagpahinga nang maayos at sapat, lalo na kung may mahabang biyaheng gagawin. At kapag tinamaan naman ng antok, itabi na muna ang sasakyan sa ligtas na lugar, lumabas ng sasakyan at maglakad-lakad ng konti, o kahit ano pang aktibidad para lang mawala ang antok.
Kung talagang inaantok pa rin, mas mabuti na ang ipamaneho na muna sa iba para makatulog kahit sandali. Huwag na huwag matulog sa loob ng sasakyan, at baka pagsamantalahan ng mga kawatan! Kung mag-isa, humanap ng lugar kung saan puwedeng magpahinga kahit sandali o magkape.
Huwag nang ipilit, dahil peligroso talaga. Mismong kapatid ko ay naaksidente dahil sa matinding antok. Mabuti na lang at hindi siya nasaktan nang banggain niya ang isang pasalubong na bus sa service road ng SLEX. Magmula noon ay hindi na nga umuwi ng madaling araw, sa takot na maulit muli ang aksidente.