KUNG naghahanap ka pa ng katibayan na ang bagong Pilipino ay lahi rin ng mga bayani, masdan na lamang ang pangyayari noong Lunes, Agosto 26. Sa isang makasaysayang petsa kung saan ginugunita natin ang kabayanihan nina Andres Bonifacio sa Pugad Lawin at ng lahat ng mga Pilipinong nagsakripisyo ng kanilang buhay, kalusugan at kaligtasan para sa kapwa, muling napatunayan na nasalinan din ang karaniwang Juan de la Cruz ng dugo ng mga ninunong bayani.
Sa ating pagdalo sa mga multi-sectoral rallies na idinaos sa buong kapulungan at maging sa mga komunidad ng Pilipino sa ibang bansa laban sa katiwaliang dulot ng pork barrel system, ipinaalam natin na may hangganan ang pagtiis at pananahimik natin sa abuso. Muling ipinaalala sa ating mga kinatawan sa gobyerno sakaling nakalilimot na tayo ang tunay na may kapangyarihan sa isang malaya at demokratikong lipunan. Nakamamangha ang ipinamalas ng mga ordinaryong mamamayan na kusang nagdesisyon na magpunta sa Luneta at sa iba pang meeting point mula Appari hanggang Jolo para maglabas ng sama ng loob.
Sino man ang may kinalaman sa ibinulgar na raket sa pork barrel o PDAF, siyempre kailangan itong lahat na panagutin – hindi tulad ng istilong pinaiiral nang isang malaking diyaryo na idinidiin lamang ang kalaban ng Palasyo at ang kakampi nama’y pinuprotektahan. At kahit pa anong turo ni Cong. o ni Sen. sa mga ahensya ng gobyernong nagpapatupad ng kanilang “rekomendasyon†lang kuno, na dumadaan naman sa public bidding kuno, paano nila maitatatwa ang testimonya ng mga whistleblower na ang komisyong umaabot ng hanggang 50 to 60% ng total contract price ay diretso sa kanilang mga kamay inaabot?
Ngunit para sa akin, ang pagtutol sa pork barrel ay hindi dahil sa abuso sa paggamit nito. Dahil kahit higpitan pa ni P-Noy at ng Kongreso ang mga patakaran, sa mismong institusyon ng pork barrel ako may problema. Ito’y taliwas sa disenyo ng Konstitusyon na lawmaking lamang ang Kongreso at law execution ang Presidente. Ang masama sa pork barrel system ay ang hindi makatwirang panlalamang na bigay nito sa nakapuwesto na biglang may ilusyong pahintulot na mag-alay ng proyekto sa botante na sa pera rin naman ng botante nagmula.