Siya ang nagningas ng apoy ng Himagsikan

HINDI magkasundo ang historians kung bakit biglang sumiklab ang Himagsikan, kung sa Pugad Lawin o Balin-tawak ba, at kung Agosto 23, 26, o 29 -- 117 taon na ang nakalipas. Pero isa sila sa pagsabing si Andres Bonifacio ang nagsanib sa mga manggagawa, magbubukid, ilustrado, at politiko sa Katipunan upang umalsa laban sa Kastila.

Walang naipanalong sagupaan si Bonifacio. Ganunpaman, dinadakila ang kanyang katapangan at kagalingang manghimok.

Isang libong Katipunero ang nagpunit ng cedula —sumuway sa kulong at pahirap sa kamay ng Guardia Civil. Nangalahati sila nang tugisin hanggang Krus na Ligas (ngayo’y U.P.-Diliman). Doon nagpasabi si Bonifacio na mamartsa sila patungong San Juan para lusubin ang carcel ng Guardias. Nagsisali ang mga taga-Marikina, Santolan, at Mandaluyong -- at lumobo sa 5,000 ang hanay ng mga pagod, gutom, puyat, na bitbit lang ay gulok, sibat, ilang shotguns, at lumang revolvers.

Habang nagmamartsa pa lang, sinasalakay na ng Kastila ang mga nasa gilid-gilid. Nag-aabangan ang Guardia Civil nang dumating sila sa San Juan. Hindi nila alam na naunahan sila ng dagdag pang Guardias mula Intramuros, sakay ng bagong de-koryenteng tranvia.

Ilang beses sumugod sina Bonifacio paakyat ng burol ng carcel. Pinaulanan sila ng punglo at kanyon. Pagkagat ng dilim, 50 na lang ang nakatayo. Kanya-kanya silang atras. Humabol ang Guardias hanggang Montalban. Kinaladkad ang sugatan mula sa mga pinagtaguang kubo, at pinagbabaril at bayoneta sa harap ng kanilang pamilya. Pumula sa dugo ang tubig sa mga ilog.

Napabalita ang kalupitan. Nagngitngit at umalsa ang Maynila, Bulacan, Pampanga, Nueva Ecija, Tarlac, Laguna, Cavite, at Batangas.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com

 

Show comments