EDITORYAL - Hindi handa ang barko

WALANG bagyo o anumang sama ng panahon nang mangyari ang banggaan ng MV St. Thomas­ Aquinas at cargo vessel Sulpicio Express Siete sa karagatan ng Talisay City, Cebu noong Biyernes ng gabi. Sa pinaka-huling report, nasa 63 na ang namatay sa trahedya. Sa salaysay ng mga nakasaksi, paparating sa Talisay port ang Thomas Aquinas galing Nasipit, Agusan del Sur at kaaalis naman ng Sulpicio nang magbanggaan. Tinamaan ng Sulpicio ang hulihang bahagi ng Thomas Aquinas­ at iyon ang naging dahilan para ito lumubog. Marami sa mga pasahero ang nagtalunan sa tubig kahit walang lifevests. Hindi alam ang mga gagawin kaya nagkanya-kanyang ligtas ng sarili. Wala rin umanong crew ng barko na nagsabi kung saan kukunin ang life vests. Mayroon pang nagsabi na nahirapan silang hanapin ang pintuan ng barko kaya ang iba ay na-trap sa loob ng barko. Mabilis umano ang paglubog ng barko. Pero kung nakahanda ang mga personnel o crew ng barko sa pagbibigay ng mga gamit pangkaligtasan, baka sakaling kakaunti lang ang namatay.

Siyam na oras na umanong naglalayag ang St. Thomas Aquinas at dadaan lang sa Talisay Port at saka tutuloy ng Manila nang maganap ang di-inaasahang pangyayari. Maiisip na sa haba na ng binyahe ng barko mula Nasipit, hindi kaya nagkaroon ng briefing o wastong pagpapaalala ang mga crew ng barko sa kanilang pasahero kung ano ang gagawin sakali’t may emergency na mangyari. Hindi ba’t SOP na ng mga barko na bago umalis sa port, nagbibigay ng babala at tamang paggamit ng mga life vests, lifeboat, salbabida at iba pang gamit pagkaligtasan. May mga instructions din kung saan dadaan o mag-e-exit kung sakaling ma-trap. O hindi na naman nasunod ang mga kailangang gawin sapagkat ang iniisip ng mga crew at kapitan ng barko ay kalmado naman ang panahon at walang bagyo. Paano nga kung binangga gaya ng nangyari.

Sa lahat nang oras, may bagyo man o wala, dapat ipasunod o gawin ng mga may-ari ng barko ang pagtuturo at pagpapaalala sa kanilang pasahero ng mga dapat gawin sa panahon ng emergency. Ang trahedya ay nangyayari nang walang babala kaya nararapat na laging nakahanda.

Show comments