“Naglagot”
HINDI LAHAT ng magkapareho ay magkatugma at di lahat ng magkahawig ay magkamukha.
Ganito ang napatunayan ng pamilya Pabilon sa trahedyang naganap sa isa sa kanilang kamag-anak.
Ika-23 ng Mayo 2013…bandang alas siyete y medya ng gabi nang magpagawa ng laptop si Jeraldine. Habang nakaupo sila sa labas ng bahay nina Dominic lumapit si Aries sa kanila.
Sinuntok sa ulo…pinayuko at sinaksak sa batok. Hinawakan sa magkabilang braso at itinihaya ni Aries si Dominic pagkatapos sinaksak ng tatlong beses sa dibdib.
“Tulong! Tulong! Gusto ko pang mabuhay!†sigaw ni Dominic. Agad siyang isinakay sa tricycle ng mga taong nakarinig sa kanya ngunit nawalan rin ng buhay habang bumibiyahe papuntang ospital.
Pinaniniwalaang ang motibo ng pagpatay ay nagsimula sa isang tsismis.
Nagtanim ng galit si Aries Santos, 30 taong gulang kay Amado Dominic Pabilon-29 dahil magkarelasyon daw sila ng kinakasama nitong si Daisy.
Habang naglalakad sa eskinita si Cory ibinabalita na sa kanya ng mga kapitbahay ang nangyari sa kanyang kuya.
Minsan nang nawalan ng kapatid si Socorro “Cory†Pabilon, 28 taong gulang nang mamatay ang kanilang bunsong si Flor Angela dahil sa sakit. Naulit pa ito nang masaksak ang kanyang kuyang si Dominic.
Pagdating niya sa ospital nandun ang mga pulis ng Quezon City at isinama na ang testigong si Jeraldine dela Cruz sa Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) upang kuhanan ng salaysay.
Ayon sa testimonya ni Jeraldine bigla na lang lumapit itong si Aries sa kanila at sinuntok si Dominic sa ulo. Pagkatapos ay isinubsob nito ang biktima sa semento at paulit-ulit na sinaksak sa likod. Hindi pa tinigilan ito at itinihiya ni Aries si Dominic at pinagsasaksak pa ulit sa dibdib. Dala ng takot umalis siya para humingi ng tulong at pagbalik nila nakita na nilang nakasandal sa pader si Dominic at duguan.
Nagkaroon ng ‘man hunt’ ang mga pulis upang tugisin itong si Aries ngunit hindi na nila ito nakita.
Noong ika-29 ng Mayo 2013 naghain sila ng kasong “Murder†laban sa akusado.
“Taong 2012 pa lang iniiwasan na siya ng kuya,†wika ni Cory.
Kababata umano nila si Aries. Magkakalapit lang ang kanilang mga bahay at lumaking magkakaibigan. Nagbago lamang ang pakikitungo ni Aries kay Dominic nang may marinig itong tsismis.
“May nagsabi sa kanyang kapit-bahay na ang ka-live in niyang si Daisy ay may lalaki,†wika ni Cory.
Mataba, maputi, matangos ang ilong, kulot ang buhok at kapit-bahay lamang nila. Tumugma umano ito sa itsura ni Dominic kaya’t ito ang pinaghinalaan ni Aries.
“Andyan anak ko! Wag kang tatawag, wag kang lalabas. Bad trip sa ‘yo yun,†madalas umanong sabihin ng ina ni Aries na si Lanie Santos kay Dominic. Si Dominic na mismo ang umiwas sa gulo.
“Naikwento ni Kuya sa akin na pinaghihinalaan nga siya. Pero binalewala niya lang yun. Parang biro lang sa kanya,†sabi ni Cory.
Tinanong din ni Cory si Dominic kung totoo ang tsismis “Papatulan ko ba yun? Hindi ko naman type,†sagot umano sa kanya ng kapatid.
Sumasabay din umano palagi si Dominic sa kanila pag-uwi dahil ayaw mag-isang maglakad sa eskinita. Hindi lang ito pumasok ng araw na yun dahil may trangkaso.
Nagtatrabaho bilang ‘data encoder’ sa kanyang tiyahin sa Muños Market si Dominic habang si Genesis ang nagbabantay ng kanilang printing shop, ang GGD printing shop.
“Walang ibang kaalitan ang kuya ko. Duwag yun. Kapag may away nagtatago kaagad,†salaysay ni Cory.
Walang trabaho si Aries at kilala din umanong basagulero. May nasaksak na rin ito noon sa kanilang lugar. Na-dismiss lang ang kaso dahil naareglo.
May usap-usapan din umano na balak nina Aries na mangibang bansa. “Kapag nakaalis mas mahihirapan kaming ipahuli sila,†wika ni Cory.
Kasalukuyang nasa Prosecutor’s Office ang kaso at ang may hawak nito ay si Prosecutor Pedro Tresvalles.
Noong Hulyo 2, 2013 ang unang patawag at sa Hulyo 19, 2013 ang Preliminary Investigation. Na-reset ito sa ika-30 ng Hulyo 2013 dahil wala ang Prosecutor na hahawak ng kaso. Nang maganap ang pagdinig binigyan ng dalawang linggong palugit ang akusado upang sumagot. ‘Deemed for Resolution’ na ang kaso.
Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES†sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat†ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 3:00pm-4:00pm at Sabado 11:00am-12pm) ang kwentong ito ni Cory.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, ang gumawa ng
marahas na hakbang, na ang pinagbabatayan mo lamang ay tsismis ang isang malungkot na kabaliwan.
Nakakalungkot isipin na ang kaibigan mo mula pagkabata ay siya pa palang kukuha sa iyong buhay.
Sa isang ‘Preliminary Investigation’ kapag walang kontra-salaysay na naibigay ang kalaban ay magiging ‘uncontroverted’ o hindi sinagot ito at maiisampa na sa korte.
‘Flight is an indication of guilt’, dahil sa pagtakas ng suspek at hindi pagbibigay ng anumang paliwanag tungkol sa mga akusasyon sa kanya, maglalabas na ang Prosecutor ng resolusyon.
Malinaw na selos ang naging dahilan ni Aries para brutal na patayin itong si Dominic. Kung sakaling may katotohanan man ang paratang niya kay Dominic hindi niya pa rin dapat inilagay sa kanyang mga kamay ang batas.
Maari naman niyang kasuhan ng tama kapag may basehan ang kanyang hinala. Maaring naglagot na lamang ito at di na nag-isip.
Ngayon, kasong MURDER ang dapat niyang harapin.
(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA) Sa gustong dumulog magpunta lamang sa 5th floor CityState Centre bldg. Shawn Blvd., Pasig City. Maari kayong magtext sa 09213263166(Chen), 09213784392 (Carla), 09198972854 (Monique) o tumawag sa 6387285 at 7104038. Maari kayong lumiham sa pamamagitan ng email sa [email protected].
Hotlines: 09213263166, 09198972854
Tel. Nos.: 6387285, 7104038
- Latest