Saludo sa 2GO!
HABANG tinitipa ko ang kolum na ito, nasa 40 katao na ang patay at 172 pa ang hinahanap sa salpukan ng mga barko ng Philippine Span Asia Carrier (dating Sulpicio Lines) na Sulpicio Express Siyete at ng M/V Thomas Aquinas na pag-aari ng 2GO. Ang trahedya ay naganap sa Lawis Ledge, Talisay, Cebu noong Biyernes.
Batay sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at Philippine Coast Guard, tanging mga kagawad ng 2GO ang namataan na umaasiste sa mga apektadong pasahero saan mang barko nanggaling. Nagbigay ang 2GO ng temporary shelter, hot meals at medical assistance sa mga biktimang sugatan. Nagdispatsa ito ng mga fast crafts at passenger ship na M/V St. John Paul sa lugar ng aksidente.
Nasaan ang Sulpicio? Hindi ko maunawaan kung bakit idinemanda umano nito ang PAGASA dahil sa pagbibigay ng maling weather forecast. Tinataya sa 57 ang nakaligtas sa may 850 pasahero at 700 pa ang nawawala.
Baka kailangang iseminar ang mga kapitan ng barko. Ang kapitan ang nagbibigay ng desisyon at sa mga situwasyong pang-kagipitan, walang makapagbabago sa salita ng kapitan. Inaamin ng pamunuan ng Sulpicio na maaga pa para gumawa ng ano mang konklusyon ngayon. Tama. Kailangan diyan ang masusing imbestigasyon upang matukoy kung sino ang dapat managot.
Umaasa ako sa isang makatotohanan at impartial na imbestigasyon ng DOTC sa kasong ito. Nagpalabas na ng statement si Transportation Secretary Jun Abaya na ang barko ng Sulpicio ang bumangga sa 2GO passenger vessel na dahilan para lumubog ito. Anang DOTC may posibilidad na may pananagutan ang Sulpicio.
Kaso, may utos na ang MARINA na isuspinde ang operasyon ng mga barko ng Sulpicio at 2GO. Mukhang agrabdyado ang 2GO. Siya na ang binangga pati siya suspendido? Pero ganyan talaga. Sa dalawang nagbanggaang kotse ay parehong kinukuha ang lisensya ng mga sangkot na driver. Sa imbestigasyon na lang magkakaalaman.
Marami nang “bukol†ang Sulpicio kung tutuusin. Nandiyan ang malagim na M/V Doña Paz na ikinamatay ng 4,300 katao. Nandiyan ang paglubog ng Princess of the Stars at MV Doña Marilyn noong October 1988, na dito’y tinataya sa 250 ang namatay.
Totoong puro aksidante iyan. Pero kung ang aksidente ay madalas mangyari, ibang usapan na iyan. Hanapin ang problema at aksyonan.
- Latest