Relasyon ng Pilipinas at Taiwan, balik na
BUMABALIK na sa normal ang relasyon ng Pilipinas at Taiwan, at ito ay malaking positibong development sa mga OFW.
Matatandaang nagpatupad ng sanctions ang Taiwan laban sa Pilipinas kasunod ng pagkakapatay ng mga kagawad ng Philippine Coast Guard sa isang mangi-ngisdang Taiwanese noong Mayo ng kasalukuyang taon.
Kabilang sa sanctions ng Taiwan ay ang pagsuspinde nito ng pakikipagkalakalan at pamumuhunan sa Pilipinas, pagpapatigil ng pagtanggap ng OFWs at paglalabas ng travel alert laban sa ating bansa.
Tinanggal ng Taiwan ang sanctions matapos ilabas ng National Bureau of Investigation (NBI) ang resulta ng pagsisiyasat nito sa insidente at irekomenda ang pagsasampa ng kaso laban sa mga sangkot na Coast Guard personnel, habang humingi naman ng paumanhin sa pamilya ng napatay na mangingisda ang Philippine government sa pamamagitan ng Manila Economic and Cultural Office (MECO).
Noong 2011, nagkaroon din ng di-pagkakaunawaan ang dalawang pamahalaan matapos ipa-deport ng Philippine government sa China ang naaresto sa ating bansa na 14 na Taiwanese na sangkot umano sa international scam na nambibiktima ng mga mamamayan ng mainland China.
Ang 2011 at 2013 incidents ay parehong nagdulot ng matinding epekto sa relasyon ng Pilipinas at Taiwan, at ang mga OFW ang pinaka-matinding tinamaan.
Ang Taiwan ay isa sa top OFW destinations, at nasa 80,000 hanggang 100,000 Pilipino ang nagtatrabaho roon. Taun-taon umano ay humigit-kumulang na 40,000 ang OFW deployment sa Taiwan.
Ayon kay Senator Jinggoy Ejercito Estrada, chairman ng Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources Development, kailangang paigtingin ng ating mga opisyal partikular ng MECO ang pagpapahusay pa ng Philippines-Taiwan relations. Dapat din aniyang makapagbalangkas ng epektibo at episyenteng paraan sa pagresolba ng anumang nagiging di-pagkakaunawaan sa pagitan ng dalawang pamahalaan.
Bilang isang hakbang aniya para rito ay makabubuÂting isulong ng MECO sa counterpart nito na Taipei Economic and Cultural Office (TECO) na magkaroon ng “bilateral systems-and-mechanisms set-up†na mabilisang ma-o-operationalize at magagamit sa pagresolba ng anumang pressing concern ng Pilipinas at Taiwan.
- Latest