MARAMING leksyon ang pwedeng matutunan sa pagtangkang nakawan ang Robinson’s Supermarket sa Rosario, Pasig noong Sabado ng gabi. Ayon sa imbistigasyon, isang dating guwardiya ng nasabing supermarket ang nakiusap na papasukin siya at tatlo pang kasama. Nang makapasok ay nagtungo sa opisina at doon nagdeklara ng holdap. Apat na empleyado ng supermarket ang tangan-tangan ng tatlong kasama ni Hernani Lupera nang pumalag ang isa sa kanila. Pinaputukan at napatay ang tatlong empleyado. Napalo ng tubo naman umano si Lupera ng isang guwardiya, at nang makita ito ng mga kasama niya ay kumaripas na palabas. Patuloy ang imbistgasyon at pinag-aaralan na ang CCTV kung nakunan ang insidente.
Bakit papapasukin ang isang hindi na empleyado? Kaya isang anggulo ay inside job dahil sa aking kaalaman ay hindi na dapat pinapapasok sa mga ilang takdang lugar ang hindi empleyado, kahit nagtrabaho pa doon noon. Ito ang isang patakaran na dapat laging sinusunod, dahil hindi na nga otorisado ang hindi na empleyado. Kahit may mga kaibigan pang matalik o kamag-anak pa, kailangan sundin pa rin ang patakaran, para sa kapakanan na rin ng lahat. Kung pinapasok ay dapat imbistigahan rin ang nagpapasok kay Lupera at ang tatlo niyang kasama.
At bakit pinapasok ang ni hindi kilala, kahit may kasama pang kilala? Ito ang isang problema rin ng mara-ming tahanan. Maraming tahanan ang may patakaran na walang pwedeng papasukin ang mga kasambahay nang walang paalam sa kanilang amo, lalo na kung wala ang mga amo sa bahay. Ito ang hindi maintindihan ng ilang kasambahay, at sasabihing masyadong mahigpit ang amo. Para sa seguridad ang lahat ng patakarang iyan, dahil hindi mo masasabi kung sino na ang nakakapasok sa bahay mo at may masamang intensyon na pala.
May mga insidente kung saan papasok ang isang empleyado, kasambahay o kung sino pa sa isang tahanan o negosyo, tapos magre-resign malipas ang ilang araw o linggo, kasi pinag-aralan lang pala ang lahat ng sistema at pamamalakad sa bahay o negosyo, para manakawan pag dating ng tamang panahon. Iba na ang panaÂhon ngayon. marunong na rin mag-plano ang magnanakaw. Katulad sa Robinson’s, alam ng da-ting guwardiya ang lahat ng kilos. Mabuti na ang maging mahigpit, kaysa sa magsisi. At kapag patakaran, lalo na sa mga negosyo, kailangan sundan nang walang sablay. Baka kung kailan ka maluwag, doon magaganap ang hindi kanais-nais.