Nakawan ng pork barrel imbestigahang lubos

MARSO 2005 nang barilin si mamamahayag Marlene Garcia-Esperat sa ulo habang naghahapunan sila ng pamilya sa bahay sa Tacurong City. Nauna rito, nu’ng resident ombudsman siya ng agriculture department, hinabla ni Esperat ang ilang opisyales sa P432-million fertilizer scam.

Sa naging imbestigasyon, lumitaw ang kabuuang P728-million fertilizer scam ng Arroyo admin, kung saan nasangkot si Janet Lim-Napoles. At ngayon nasa gitna si Napoles ng nalantad na P10-bilyong scam sa pork barrel ng 29 na senador at kongresista.

Inulat ko na mabuti ang panimulang pakay ng pork barrel (Sapol, 9 Aug. 2013). Pinantay-pantay nito ang gastusin sa proyekto ng lahat ng congressional districts, malaki o maliit, mayaman o mahirap. Pero mas malala ang kasamaan kaysa kabutihang idinulot ng pork barrel. Walang benepisyong makakapagtakip sa pagnanakaw sa kabang-bayan.

Pinulido ng criminal operators tulad ni Napoles ang pa-ngungulimbat ng pork barrel. Pero may higit na pananagutan ang mga mambabatas na pinagkalooban nito. Tungkulin ng senador ang P200 milyon at ng representante   ang P70 milyon kada taon na pondo para sa taumbayan. Hindi mga bagito sa pulitika ang mga paulit-ulit na nasasangkot ngayon sa mga palsipikadong proyekto at NGOs.

Kaya dapat lang na lubusang imbestigahan ng Ombudsman ang plunder. Dapat lang bumuo ang Pangulo ng special unit ng mga taga-budget at justice departments, at pribadong sektor para magpanukala ang mga paraan para matigil ang ano pa mang abuso. At dapat lang na kusang-loob na sumailalim sa imberstigasyon ang mga nasasangkot na mambabatas. Huwag sana mauwi sa wala ang kasalukuyang exposé — di tulad ng naunang pitong alingasngas tungkol sa pork barrel mula 1989.

* * *

 Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com

 

Show comments