Pagsanla ng journalist US visa

TARGET ng kolum na ito ang mga sugarol na sobrang adik sa casino! Para matustusan lang ang kanilang bisyo, nilalako ang kanilang “United States Visa” na nagsisilbing kolateral. Nangangakong tutubusin nila ang kanilang passport na nag­lalaman ng US Visa sa takdang panahong napagkasunduan.

Ilan sa casino financiers, pumapatol sa modus na ‘to. Ang nakababahala ay mapunta ang Visa na isinanla sa kamay ng mga sindikatong nasa likod ng pamemeke. Salamat sa adik na sugarol! Siya ang magiging tulay ng mga sindikatong marami pa ang maloloko sa pamemeke.

Samantala, marami ang halos “magpakamatay,” makakuha lamang ng US Visa. Gumagastos nang malaking halaga at nagpapatunay na sila’y karapat-dapat mabigyan ng prebi­lihiyo. Isang reyalidad, marami na ang tinanggihan ng Emba­hada ng US. Hindi pinagkalooban ng prebilihiyong ito at halos “magpakamatay” sa sama ng loob.

Itong putok sa buho, napagkalooban ng prebilehiyong ito! Empleyado siya ng isang kompanya sa larangan ng independent television production.  May kontrata sa international network ang ilan sa kanilang mga palabas. Napapanood din ang mga palabas sa isang free TV national network sa Pinas.  Sila ang producer ng “Ride Along” PINOY-US Cops, BITAG at BITAG sa Radyo. Makailang beses nang napasama ang mokong na ‘to sa US bilang cameraman sa programang PINOY-US Cops.    

Aksidenteng nalaman na lamang namin nitong nakaraang linggo nang maglabasan na ang mga taong kanyang nilapitan at pinagkautangan.  Ang kanyang mga pinagsusugalan, mala­laki at mga kilalang casino! Ang indibidwal na ito’y nagtatago na ngayon matapos mabisto. Hindi na siya pumapasok at hindi na matubos ang kanyang Visa sa taong pinagsanlaan.

Nakikipag-ugnayan na ang BST Tri-Media Production sa US Embassy upang mapakansela ang Visa na ipinagkaloob sa tulong at garantiya ng kanyang kompanyang pinapasukan. Ipagbibigay-alam na rin sa Department of Foreign Affairs ang kanyang iligal na aktibidades upang ma-blacklist at makansela ang kanyang pasaporte.  Siya si JOSE LIZANDRO MATEO, VILLAPANDO na kilala sa pangalang SANDY.

Napag-alaman din na ilang beses niyang naisanla ang kanyang passport na may US Visa. Kasalukuyang nagtatago na si SANDY VILLAPANDO! Binabalaan namin ang lahat nang malalaking television network at iba pang kumpanya na may kinalaman sa kanyang pagi­ging cameraman, i-report n’yo ang kinaroroonan ng taong ito!

Masama ang kanyang record at hindi pa niya nasusurender ang kanyang ID at iba pang mga kagamitan na posibleng naisanla na rin ng dorobong ito! Buong detalye, mag-log on sa www.bitagtheoriginal.com

Show comments