Kalikasan at gulo

Laganap ang dusa sa loob ng bansa

At ito’y dahilan sa bagyo at baha;

Sa kulog at kidlat tayo’y namamangha

May buhawi’t lindol na namiminsala!

 

Nagiging biktima’y sektor ng mahirap

Mga magsasaka’t mga magdaragat;

Ang bahay na pawid agad nawawasak

Kaya ang mahirap lalong naghihirap!

 

Bukiring sagana sa palay at mais

Nalubog sa baha tayo’y nagtitiis;

Ang asawa’t anak ay nagsisitangis

Hintay ay saklolong halos gagabinlid!

 

Ngayong taong ito’t noong nakaraan

Maraming sakuna tayong naranasan;

Ang lahat ay dulot nitong kalikasan

Kaya tayong lahat ay nahihirapan!

 

Huwag nating sisihin ang nasa gobyerno

Sa mga sakunang nagaganap dito;

Kaya ang marapat na gawin ng tao –

Tayo ay magdasal at huwag mangulo!

 

Mga demonstrasyon, mga rally-rally

Ay iwasan natin sa lahat ng parte;

Kung tayo’y magulo walang mangyayari

Pagka’t ito’y gulong tayo rin ang api!

 

Dapat mga batas ay ating igalang

Upang tumahimik itong ating bayan;

Kung tayo’y tahimik gaganda ang buhay

At ang bunga nito ay kasaganaan!

Show comments