KUNG ilang henerasyon na ng mga Presidente ang nagdaan, hindi nagbabago ang reputasyon ng Bureau of Customs bilang “pinaka-corrupt†na ahensya. Sa State of the Nation Address (SONA) ni Presidente Aquino, matinding hinataw ng Pangulo ang buong ahensya pero hindi bumanggit ng pangalan.
“Saan kayo kumukuha ng kapal ng mukha?†aniya. Aray koh! Si Ruffy Biazon na kilalang malapit sa Pangulo ang namumuno sa BoC. Kahit hindi binanggit ang kanyang pangalan ay agad daw nag-text si Biazon sa Pangulo para ihain ang kanyang pagbibitiw.
Ang text back ng Pangulo: “You still have my confidence.†Nag-resign din si BoC deputy commissioner Danny Lim na hanggang sa isinusulat ko ito ay hindi pa umaaksyon ang Pangulo. Sa isang radio interview, sinabi niya na mayroon daw mga “impluwensyal na tao†na nakikialam sa tuwing mayroong mai-intercept na mga kontrabando. Matindi iyan. Kahit hindi tumukoy ng pangalan si Lim, may pahiwatig na mayroong mga “padrino†na humahadlang sa kanya.
Pero teka. Ang mandato ni Lim ay mula mismo sa Pa-ngulo. Ibig ba niyang sabihin mas malakas sa Pangulo ang mga tumatayong padrino ng mga smugglers na hindi niya masupil? Ani Lim, kapag may intelligence report tungkol sa paparating na mga kargamento, mayroon nang tatawag sa kanya at sasabihing palusutin ang mga ito. Aba, dapat isiwalat ni Lim kung sino ang mga taong ito na tila mas malakas pa kaysa Pangulo.
Kaya humihingi raw si Lim ng posisyong mas makokon-trol niya dahil hindi niya kayang ang situwasyon sa posisyon niya ngayon. Sorry to say pero bakit nabahag ang buntot ng isang hinahangaan kong dating heneral na kalahok sa mga tangkang kudeta laban kay dating Presidente Arroyo? Aniya, takot daw siyang ibulgar ang pakikialam ng mga pakialamero dahil baka baliktarin siya at siya ang lumabas na masama.
Sa mga sinabi ni Lim, tila wala nang pag-asa ang BoC. Na kahit sino pa ang itatalagang mamuno riyan ay hindi titino dahil palaging may makikialam na mga ga nid na may koneksyon sa kapangyarihang nagpapatakbo ng bansa.