^

PSN Opinyon

‘Nilamon ng palay’ (Unang Bahagi)

- Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

TUMANGGI siyang humigop ng mainit na kape. Tumalikod, naglakad palayo…maya-maya napansin na lang nila… wala na itong ulo.

“Kinilabutan sila gusto nilang tawagin pabalik si ‘Pandong’ pero napaisip sila baka malikmata lang,” ani ‘Bing’.

Ulong pugot umano ang naging premonisyon ng 25 anyos na si Fernando Balagtas Esla Jr., bago makaharap si kamatayan.

Ika-11 ng Disyembre 2012, bandang 3:05 ng umaga… malakas na kiskis ng gulong at ingay ng preno ang narinig sa kahabaan ng highway sa Camp One Rosario, La Union. Isang kalabog at tunog ng yerong parang napipit na ang sumunod na narinig. Kasabay nitong sumaboy ang mga butil ng palay sa lupa.

“Mabilis ang pangyayari, sa isang iglap nakita na lang nilang dumagan ang trak sa tricycle kung nasaan si Pandong,” kwento ni Bing.

Si Fernando, ‘Pandong’ kung tawagin ay tubong Mindoro. Hiwalay ang kanyang mga magulang at naiwan silang apat na magkakapatid sa kanilang lola.

Tatlong taong gulang pa lang si Pandong kinupkop na siya ng tiyahing si Benedicta “Julie” Quinit at asawa nitong si Bernardo “Narding”.

Malalaki na ang tatlong anak ng mag-asawang Quinit at may sarili ng mga pamilya kaya’t ng makita nila ang kaawa-awang kundisyon ng musmos na si Pandong sinama nila ito pabalik sa Rosario, La Union.

Pagbabalik tanaw ng anak nila Julie na si Marivic “Bing” Vallo, 40 anyos. Nasa Maynila siya, taong 1990, nag-aapply siya papuntang Singapore ng tawagan siya ng ina at ibalitang kasama na nila ang bata. “Sila na raw mag-aalaga kay Pandong kesa ginagalis lang dahil palaboy-laboy,” wika ni Bing.

 Mabait na bata, masipag, maka-ama at magaling ang kamay sa pagguhit. Ganito lumaki si Pandong ayon kay Bing.

Tinuring na parang sariling anak nila Julie at Narding si Pandong. Pinagtapos ng hayskul.“Palabiro’t bungisngis siya. Istrikta ako sa kanya pero lagi niya kong napapatawa. Mapangarap si Pandong,” pahayag ni Bing.

Gustong kumuha ng kursong Criminology ni Pandong para maging pulis subalit natagalang bumalik ng Singapore si Bing. Namalagi na lang siya sa Mindoro kaya naman ‘di na nakatuntong si Pandong ng kolehiyo.

Bumili si Bing ng pampasadang traysikel. Sa umaga ang kapatid ni Bing na si ‘Nelson’ ang may hawak. Si Pandong naman ang namamasada mula 8:00PM.

Kapag araw daw kasi abala si Pandong sa pag-aalaga sa amaing si Narding na hikain. Dahil malayo sa pamilya si Bing, nakagawian na  niyang tumawag tuwing umaga sa ina at ama para mangamusta.

Ika-11 ng Disyembre, 2012…3:00AM, napanaginipan daw ni Bing si Pandong. “Manang, ‘di na ko mag-aasawa! May Gina ako…” sabi nito. “Huh? Sinong Gina?” tanong ni Bing. “GIN ah? Gin-ebra!” pabirong sagot ni Pandong.

Mula ng magising ‘di na nakabalik sa pagtulog si Bing. Ang ginawa niya 5:30 pa lang ng umaga tumawag siya sa ina. “Nay, kamusta kayo?” ani nito.

Biglang pinutol ni Julie ang linya at sinabing bandang 8:00AM na siya tumawag dahil meron siyang inaasikaso.

Kinutuban si Bing na may masamang nangyari. Tumawag siyang muli. Nagulat siya ng sabihin sa kanyang, “Bing, nandito ko sa punerarya. Inaayos ko si Ading mo…Patay na si Pandong!”

Mabilis na pinuntahan ni Bing ang mga magulang ni Pandong na kapitbahay niya rin sa Mindoro. Parehong araw lumuwas sila papuntang La Union. Dun lang muling nakita ng totoong mga magulang ni Pandong ang kanilang anak na noo’y nasa kabaong na.

Sa burol na lang nalaman ni Bing ang nangyari ng umagang iyon. Ayon sa huling kasama ni Pandong na si Joseph Refuerzo, 32 anyos habang pumapasada nagpahatid at nagpasama raw siya kay Pandong sa kainan/’videokehan’ sa Camp One, Rosario na pagmamay-ari ni Janice Paran.

Inaya raw ni Joseph magkape si Pandong pero tumanggi siya, bumalik sa tricycle at natulog na lang.

Isang oras ang lumipas. Dumaan ang isang 14-wheeler truck, hininto ito ng mga pulis na noo’y nagtse- ‘checkpoint’--- sa tabi rin ng kainan. Tumigil ang trak subalit napansin nilang gumewang ito pakanan. Dahan-dahang nawalan ng giya.

Napansin ni Joseph na papunta ang trak sa direksyon kung saan nakaparada ang traysikel ni Pandong. Mabilis na bumagsak ang katawan ng trak na puno ng daan-daang kaban ng palay.

Mabilis na sumaklolo ang mga pulis. Sa bigat at laki ng trak tatlong oras pa raw ang tinagal bago maangat ang katawan nito.

Yupi na ang traysikel. Ang sidecar kung saan natutulog si Pandong napipit ang bubong at umabot na sa gulong ng motor. Parang latang pinipi (at ibinibenta sa junkshop). Pisak sa loob si Pandong. Tanging ang ulo niyang pumaling na pakaliwa dahil sa pagkabali ng kanyang leeg ang kita mula sa siwang ng traysikel.

 Nagkaroon ng imbestigasyon ang mga pulis sa Rosario na pirmado ni PO2 Jeramel G. Buyayawe, Investigator. Sa nasabing petsa, oras at lugar…habang nagsasagawa ng checkpoint ang mga ‘police officers’ tinigil nila ang 14-wheeler truck may plakang WPM776 para padaanin ang mga sasakyang papunta sa direksyong pa-Timog. Nang huminto, bigla na lang itong tumaob sa pakanan at nadaganan ang nakaparadang traysikel ni Pandong na may plakang KJ 2822.

Nakilala ang drayber ng trak na si Pedro Mangrubang Barnachea, 47 anyos. Na noo’y may kargang mga sako ng palay sa trak.

Sa ibinigay na Affidavit of Arrest nila SPO4 Rodolfo Abella, SPO3 Alejandro Ramos,  PO3 Marlon Casison,  PO3 Max Mark Ledda IV, PO1 Fernando Pascua at PO1 Steve Theodore Torres, napag-alaman nilang ang trak ay pagmamay-ari ng mag-asawang Silverio & Agnes Tabon. Sa kanilang pag-iimbestiga ang load capacity ng trak ay 20,000 kilos subalit sobra ng 2,550 kilos ang nakakarga rito. Marahil ‘overloaded’ ito kaya’t nawalan ng kontrol.

Inaresto nila ang drayber, binasahan ng kanyang karapatan at dineretso sa Rosario District Hospital para magpagamot.

Pinagtulungan nilang alisin ang daan-daang sako ng palay sa trak mahila lang dito at matanggal sa pagkakaipit si Pandong.

Pwersahan siyang hinugot ni Nelson sa sidecar. Nakuha si Pandong na noo’y hawak pa ang dalawang siopao—pasalubong sa amang si Narding.

 Bali-bali na ang kanyang buto at halos malasog ang katawan. Sa itsura pa lang ni Pandong, alam na nilang patay na ito. Nagbakasakali pa rin si Nelson, tinakbo pa niya ito sa ospital subalit sa ‘morgue’ na ito idiniretso.

ABANGAN ang karugtong ng seryeng ito sa BIYERNES. EKSKULUSIBO dito lang sa CALVENTO FILES sa PSNAYON. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) Sa gustong dumulog para sa inyong problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor CityState Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong magtext sa 09213263166(Chen), 09213784392 (Carla), 09198972854 (Monique) o tumawag sa 6387285 at 7104038. Maari kayong lumiham sa pamamagitan ng email sa [email protected].

Hotlines: 09213263166, 09198972854

Tel. Nos.: 6387285, 7104038

BING

JULIE

LA UNION

LANG

MABILIS

PANDONG

SIYA

TRAK

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with