Komisyon ng Wika ito’y isang institusyong
Ang wika’y linangin sa habang panahon;
Ang mga kawani’y henyong marurunong
Kami ay saludo sa diwang maapoy!
Puno ng Komisyon kung di namamali
Siya’y makabayan sa wika’y natangi;
Marami s’yang akda’t aklat na nayari
Kaya sa Komisyon siya ngayong hepe!
Pero bakit kaya siya ay pumayag
Na ang letrang F ay agad matanyag?
Ito’y ipapalit sa ‘ting Pilipinas
Ang F ay banyagang sa alphabet dapat!
Bata at matandang mga Pilipino –
Sapagka’t Philippines – Pilipinas ito;
Ang nasa Komisyon gusto’y pagbabago
Ang Saligang Batas nilalabag nito!
Mga makawikang aming nakausap
Tutol na baguhin itong Pilipinas;
Kahi’t pa itanong sa maraming pantas
Tayo’y Pilipino sa letrang P namulat!
Kahi’t sa Komisyon ay maraming Henyo
Ay parang dayuhan sa gagawing ito;
Sila ba’y Kastila o Amerikano
Kaya sa letrang F sila ay saludo?
Noon pa mang araw – Surian ng Wika
Ay hindi binago spelling ng bansa;
Kung ngayo’y iba na ang kanilang nasa –
Bahala na kayo, kami’y sa dati na!