Magkatabi lang sa kama

ANG paghuli sa akto ng isang taong gumagawa ng krimen ay kasing hirap ng paghuli sa palos na napakadulas. At talagang totoo ito lalo sa kaso ng pagtataksil ng isang asawa. Ang direktang pruweba  ng pagtataksil ay napakahirap hanapin at pakiramdam ng biktima na wala siyang magawa at napipilitan na lang magtiis at manahimik. Pero kailangan ba talaga ng direktang ebidensiya para mapatunayan na nagkasala ang akusado? Kailangan ba talaga, halimbawa sa kaso ng adultery, na magpakita ng katibayan na aktong nagtatalik ang misis at ang kanyang kabit bago siya mahatulan sa kaso? Isang mambabasa ang nagtatanong nito pero pinili niya na itago na lang ang kanyang pangalan. Ang kaso niya ay katulad ng isang partikular na kasong nangyari, ilang taon na ang nakakaraan.

Sa mga araw na nagdaan, napapansin ni Pendong na parang kaduda-duda at may iba  sa kinikilos ng asawang si Amanda. Laging malayo ang tingin ng kanyang misis at parang umiiwas sa kanya. Halos walang nangyayari sa kanilang pag-iibigan at mas gusto pa nga ng babae na madalas puntahan ang tiyahin kaysa pumirmi sa kanilang bahay.

Isang gabi, nang dumating ng alas dies ng gabi si Pendong ay hindi niya natagpuan sa bahay ang misis. Naghinala na ang lalaki sa katapatan ng asawa kaya hinanap na niya ang babae. Ang unang inisip puntahan ni Pendong ay ang bahay ng tiyahin nito. Totoo nga ang kanyang suspetsa, nandoon ang babae sa bahay. Pero pinili ni Pendong na magmatyag at huwag pumasok sa bahay. Pinanood lang niya mula sa kalsada kung ano ang nangyayari sa bahay at sa kuwarto kung nasaan ang babae. Nang takpan ang bintana ng kuwarto, lumapit siya at sumilip sa isang butas. Nakita niya si Amanda kasama sa loob ng kuwarto ang isang lalaki, si Romeo na kanilang kapitbahay. Ayaw gulatin ni Pendong ang dalawa kaya ang ginawa niya ay agad na sumundo ng pulis na nagroronda sa lugar nila. Matapos pilitin ay nakumbinsi rin ni Pendong ang pulis na samahan siya sa bahay ng tiyahin ng asawa. Maingat silang lumapit sa bintana at nakita ng pulis ang dalawa sa kama kaya sabay silang inaresto.

  Nang makasuhan para sa adultery, pinili ni Amanda na huwag tumestigo para sa sarili. Si Romeo lang ang tumestigo at umamin na noong arestuhin siya ay nasa isang kuwarto siya kasama ni Amanda. Inamin din niya na nasa kama noon si Amanda pero itinanggi niya na magkasama sila sa kama o na may bawal na relasyon sila ng babae. Kaya ayon sa kanya ay hindi sila puwedeng mahatulan para sa adultery. Tama ba sila?

MALI. Ang pag-amin ni Romeo ay sapat na para pa­tunayan ang ginawang krimen. Ang hindi maipaliwanag na katotohanan ay bakit matatagpuan ang isang lalaki sa dis-oras ng gabi na nag-iisa sa kuwarto kasama ng isang babaing may-asawa na. Ang mabigat pa nito, nasa kama ang babae at walang pahintulot sa mister kung bakit nandoon siya at wala sa kanilang tahanan. Sa abot din ng pagkakaalam ng babae ay walang kamalay-malay ang kanyang mister kung nasaan siya. Lahat ng ito ay sapat na para mahatulan sila ng adultery. Ang ebidensiya sa adultery tulad sa ibang kaso ay puwedeng base sa tinatawag na “circumstantial evidence” o pruwebang galing sa mga sirkumstansiya o pangyayari. Basta’t ang kailangan lang ay sapat ito para talagang walang alinlangan na ginawa ng mga akusado ang krimen. Madalas magkaroon ng paghatol sa mga ganitong krimen kahit pa walang direktang ebidensiya sa aktong batayan ng krimen. (U.S. vs. Legaspi, 14 Phil. 38.)    

Show comments