MASAMANG balita sa mga nagbabalak magtrabaho sa Malaysia: Nagpapataw ang kapit-bansa sa ASEAN ng dagÂdag na alituntinin at gastusin sa pag-apply sa trabaho roon. Anang isang may-ari ng medical clinic para sa overseas Filipino workers, ito’y ang online fingerÂprinting na nais ng Malaysian Immigration. Ipinakilala ng ambassador mismo ng Malaysia sa Manila ang kumpanyang Bestinet, na gagawa nito. Sisingil ang Bestinet ng US$8,000 (P328,000) sa bawat recruitment agency, OFW clinic, atbp. para sa fingerprinting software, at US$15 (P615) kada aplikante. Siyempre pa, ipapasa ng recruiters at clinics sa mga aplikante ang ibabayad nila para sa software. Tataas ang processing fee. Malaki ito dahil, batay sa records ng Philippine Overseas Employment Authority, 16,000 ang namamasukan sa Malaysia taon-taon.
Sana kausapin ng gobyerno ng Pilipinas ang Malaysia para alisin ang singil na $8,000 at $15; kumbaga, akuin na lang ng Malaysian government. Kasi, nakikinabang naman sila sa ga-ling ng manggagawang Pilipino, samantalang nababawasan ng talino ang ating bansa sa bawat umaalis na OFW.
Masyado nang maraming raket sa OFW processing. Aba’y ang pag-medical checkup ng mga umaalis patungong Saudi Arabia ay kontrolado ng 15 lang mula sa 170 OFW clinics. Malaking raket na naman ito, dahil isang milyong OFW ang tumutungo sa bansang ‘yon kada taon. Hinangad ng Migrant Workers Act na alisin ang monopolyo, pero nananatili ito.
Isa pang raket ay nasa paglilisensiya sa OFW clinics. Ang kumikita naman doon ay ang mga kawatan sa Department of Health. Bukod pa ang mga rumaraket sa airports na taga-Bureau of Immigration.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com