Kapani-paniwala?
ISANG buwan na lang at mauupo na ang ating bagong mga senador. Di tulad ng mga nakamulatan nang ehersisyo ng halalan, medyo hindi gaanong kontrobersyal ang naging resulta ng 2013 midterm elections. Siya nga ba?
Kung susuriin ang mga headline ng pahayagan itong nakaraang linggo, mapapansing halos lahat ay hindi pa rin tinatantanan ang pagpuna sa mga kakulangang nangyari sa eleksyon. Kahapon ay hiniling ng party list group KAAKBAY na buksan ng Comelec ang mga ballot box upang maiham-bing ang bilang ng botong nasa balota sa bilang ng botong na-transmit sa mga server. Maging ang CBCP ay humihi-ling ng paliwanag mula sa Comelec sa mga malawakang discrepancy sa random manual audit na napansin. Mga luminaryo ng batas ay nagkaisang kwestiyunin ang nangya-ring mabilisang proklamasyon ng mga nanalo kahit ba kulang kulang ang official count ng National Canvassing Board. At hanggang ngayon ay hindi naipapaliwanag ng mabuti ang paratang na 60-30-10 na pattern ng boto na pumabor sa administrasyon saan man mapunta sa kapulungan.
Hindi ito mangilan ngilang haka-haka. Mahigit pa sa sapat ang ganito karaming isyu upang mapilitan tayong muling busisiin ang ehersisyong naganap. At, siyempre, ang ugat nito ay ang kabiguan ng Comelec na ilantad sa publiko ang source code na ginamit ng mga pcos machines gaya ng hinihiling sana ng mismong probisyon ng batas. Ang mandandong 3 months para pag-aralan ng mga makikilahok na partido ay naging 3 days. Sapat na raw na compliance yon at huwag nang magreklamo.
Ang isang matagumpay na halalan ay ehersisyong pinaniniwalaan, pinagkakatiwalaan at tinuturing na malinis. Karaniwan na sa isang eleksyon ang magkaroon ng mainit na labanan na madalas humantong sa pangunguwestiyon ng mga resulta. Laging sore loser ang mga talo. Subalit sa 2013 elections ay hindi ang mga talunan ang mga nagrereklamo kung hindi ang mga nakamasid na civil society groups, mga Obispo at mga kabataan. Dahil mga grupong walang pansariling interes ang nangunguna sa pagpuna, dapat lang na bigyang kaukulang pansin, pakinggan at habang kaya pa ay sagutin ng Comelec ang mga katanungan upang mapangatawan ang pagka-lehitimo ng resulta ng halalan.
- Latest